Computer Laboratory sa Gumaca, Pinasinayaan


 

2014-10-10

 

 

Pinangunahan ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang pagpapasinaya sa Computer Laboratory sa Gumaca National High School sa bayan ng Gumaca noong October 9, 2014.

 

Ang Gumaca National High School ang pang-siyamnapu’t tatlong (93) pampublikong paaralan sa sekondarya sa lalawigan ng Quezon na napagkalooban ng computer laboratories sa ilalim ng Serbisyong Suarez Computer Literacy Program na apat na taon ng ipinatutupad simula ng manungkulan si Governor Suarez bilang gobernador.

 

Ang mga computer laboratories ay fully air-conditioned na may dalawampu't limang (25) unit ng computer at LCD projector na tutulong sa mga mag-aaral na maging computer literate.

 

Ayon kay Governor Suarez, layunin ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapagawa ng mga computer laboratory sa iba’t ibang pampublikong paaralan ay para mapataas ang kalidad ng edukasyon ng mga nasa sekondarya.

 

“Layunin natin is to create a level playing field na ang mga batang magga-graduate sa ating ay pwedeng makipagsabayan sa mga batang magtatapos sa mga private high schools, private institutions dito sa lalawigan ng Quezon at maging sa Metro Manila,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa kay Gov. Suarez na dapat i-prioritize na ng DepEd at pamahalaang panlalawigan ang karagdagang silid-aralan sa Gumaca National High School sapagkat umaabot na sa tatlong libo (3,000) ang mag-aaaral ng nasabing paaralan.

 

Ipinahayag din ng gobernador na marami pang computer laboratories ang kanyang papasinayaan, bibisitahin at pupuntahan na tapos na ang mga gusali at naghihintay na lamang makumpleto ang mga computer. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 

 
 
BACK