Maubanog Festival, ATOP-DOT Best Tourism Practices in the Philippines


 

2014-10-08

 

 

Tinanghal na grand winner ang Maubanog Festival ng bayan ng Mauban sa Pearl Award: Association of Tourism Officers of the Philippines – Department of Tourism (ATOP-DOT) Best Tourism Practices of the Philippines Awards sa kategoryang Best Tourism Event (Festival) – municipal level sa isinagawang 15thATOP National Convention sa Bacolod City, Negros Occidental noong October 2 - 4, 2014.

 

Nilalayon ng Pearl Award na bigyan ng pagkilala ang lokal na pamahalaan na nagsasagawa ng hindi pangkaraniwang proyekto, programa at inobasyon sa industriya ng turismo.

 

Limang major awards ang ipinagkakaloob tulad ng Best Tourism Event for Festivals at Sports/Adventure/Wellness Activity sa provincial, city at municipal level, Best Tourism Oriented LGU, Best Tourism Month/Week Celebration, Most Outstanding Tourism Officers Club/Organization/Association at Most Outstanding Tourism Officer.

 

Matatandaan, noong 2012 ay tinanghal na Most Outstanding Tourism Officer si Anabelle Calleja ng bayan ng Mauban.

 

Sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism, ang Pearl Award ATOP-DOT Best Practices of the Philippines Awards ay nagsimula noong 2005 sa isinagawang 6th ATOP National Convention sa Bacolod City upang mas mapagtibay ang taunang sistema ng pagkilala.

 

Ang Maubanog Festival ay isang linggong cultural extravaganza upang ipagdiwang ang makulay na kasaysayan ng bayan, magiliw na mga residente, masasarap na mga pagkain at higit sa lahat ay ang lokal na fermented wine na kilala sa tawag na Lambanog kung saan nagsimula ang salitang Maubanog.

 

Ang naturang festival ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Hulyo na may iba’t ibang aktibidad tulad ng street dancing, local trade fair, buri products making, lyre band competition at iba pang kumpetisyon na may kaugnayan sa arts at culture ng bayan ng Mauban.

 

Ang nakaraang pagdiriwang ng Maubanog Festival na may temang “Pasasalamat sa Poong Maykapal sa Masaganang Ani, Karangalan at Tagumpay ng Bawat Anak ng Mauban” ay bilang pasasalamat sa kanilang patron na si San Buenaventura. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 

 
 
BACK