Day Care Workers sa Lalawigan ng Quezon, Nagsama-sama


 

2014-09-26

 

 

Nagkasama-sama ang mga day care worker sa lalawigan ng Quezon sa isinagawang Day Care Workers’ Convention at pagdiriwang ng Children’s Month na pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) noong September 25, 2014 sa Quezon Convention Center, lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, taon-taon isinasagawa ang convention para makita ang galing at husay ng mga bata at upang maipaalaala sa atin ang kahalagahan ng kanilang trabaho bilang isang day care worker sapagkat nakasalalay sa kanilang mga kamay ang paghubog at pagbuo ng ugali ng mga bata.

 

Dapat din na mas pagandahin pa ang mga proyekto at programa na ipinatutupad sa mga day care center upang hindi masayang ang pinaghihirapan ng mga magulang.

 

“Bilang isang magulang at marami sa inyo ay magulang din, sana sa paggampan ninyo sa inyong mga trabaho bilang mga day care workers ay ituring ninyong sariling mga anak ang mga batang inyong tinuturuan; nakasalalay sa inyong mga kamay ang kinabukasan ng ating lalawigan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Siniguro din ng gobernador na daragdagan pa ng pamahalaang panlalawigan ang mga day care center ngayong taon at sa susunod na taon. Ang mga day care center naman na nasira dahil sa bagyong Glenda ay isasama sa rehabilitation plan para maipaayos ang mga ito.

 

Patuloy ding ipapatupad ng pamahalaang panlalawigan ang supplementary feeding program na ngayong taon ay mas pinalakas ang nutrition program campaign at sisimulan ito sa apat na bayan, isang bayan kada distrito, ang bayan ng Jomalig, Macalelon, Tiaong at Tagkawayan.

 

Napili ang apat na bayan dahil sa ginawang pag-aaral ng pamahalaang panlalawigan ang mga bayang ito ang may pinakamataas na insidente ng malnutrisyon. Maliban sa pagtuturo sa mga magulang ng mga dapat kainin ng mga bata sa tahanan, magbibigay din ng Nutri-Bread para sa 120-araw na sunud-sunod sa lahat na malnourish na mga bata sa lalawigan ng Quezon.

 

Samantala, nagpakitang gilas naman sa pagkanta, pagsayaw ng modern at folk, pagpinta at toy production gamit ang mga indigenous material ang mga bata sa day care at mga day care worker.

 

Tema ng convention ngayong taon ay “Kapakanan ng Day Care Workers, Siguraduhin Natin” at ang tema naman ng pagdiriwang ng children’s month ay “Bata Kasama Ka, Ikaw ay Mahalaga.” (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 
 
BACK