Coastal Clean-Up, Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2014-09-26

 

 

Mahigit apatnapung sako o 367.3 kilo ng hindi nabubulok na basura ang nakuha ng mga nakiisa sa isinagawang coastal clean-up ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) katuwang ang ABE International Business College at pamunuan ng Brgy. Dalahican sa Purok 4 kaninang umaga, September 26, 2014.

 

Ang naturang aktibidad ay kaugnay ng International Coastal Clean-up Month ngayong buong buwan ng Setyembre at suporta sa programa ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa Serbisyong Suarez sa Kalikasan at Securing Quezon’s Future.

 

Ayon kay Manny Calayag, Assistant PG-ENRO napakalawak ng lalawigan ng Quezon para maikot ng kanilang tanggapan kaya naman nagkakaroon sila ng kasunduan sa iba’t ibang grupo tulad ng ABE College na naka-assign sa Purok 4 ng Brgy. Dalahican.

 

Bukod sa paglilinis sa naturang lugar, nakapaloob din sa kasunduan ang palagiang pagpunta sa lugar para magsagawa ng Information and Education Campaign para matuto ang mga residente sa tamang pagtatapon ng mga basura at pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.

 

Gayundin, upang mapangalagaan ang mga bakawang itinanim sa naturang lugar noong Quezon’s 2 in 1 na pagtatanim ng dalawang milyong bakawan sa loob ng isang araw na programa ni Governor Suarez.

 

Patuloy namang nakikiusap ang pamunuan ng barangay sa mga mamamayan nito na makibahagi sa mga programa sa pangangalaga ng kalikasan at matuto sa pagtatapon ng basura sa tamang lugar at bawasan ang paggamit ng plastic.

 

Aminado ang pamunuan ng barangay na ang unang may responsibilidad dito ay ang mga mamamayan ng Dalahican kaya naman iminumulat nila na sila mismo ang unang dapat kumikilos sapagkat ito ay kanilang tahanan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 

 
 
BACK