Alabat, Perez at Quezon, Rabies Free Area


 

2014-09-22

 

 

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla, ang tatlong bayan na ito sa lalawigan ng Quezon ang kauna-unahan sa buong Region IV-A o CALABARZON na madedeklarang Rabies Free Area.

 

“Hindi naging biro ang pinagdaanan ng Provincial Rabies Prevention, Control and Eradication Committee na pinangungunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at sa pagtutulungan ng mga miyembro ng komitiba at ng pamahalaang lokal ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon na madeklarang rabies free zone,” dagdag pa ni Caguicla.

 

Simula noong 2008, ang National Rabies Prevention and Control Committee ay nagdedeklara ng mga lugar sa Pilipinas bilang Rabies Free Area. Idinideklara ang mga lugar kapag walang naitalang kaso ng rabies sa tao o hayop sa loob ng limang taon at ang local government unit ay may matibay na programa upang maiwasan ang rabies sa lugar.

 

Noong 2008 hanggang 2013 ay labinglimang (15) lugar pa lamang sa Pilipinas ang nadedeklarang rabies free area, ito ay ang Siquijor, Apo Island at Olympia Island ng Negros Oriental, Batanes, Malapascua Island at Camotes Island ng Cebu, Biliran, Limasawa, Marinduque, Camiguin, Guimaras, Busuanga, Coron at Culion sa Palawan at Boracay.

 

Ayon kay Romulo Edano Jr., Provincial Administrator na magandang balita sa lalawigan ng Quezon ang pagiging Rabies Free Area ng bayan ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon dahil ito ay panimula ng layunin ni Governor Suarez na madeklara ang buong lalawigan ng Quezon na rabies free area.

 

“Ngayon sa kampanya ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng tanggapan ng Veterinary Office ay pinalalakas ang awareness at pagtuturok sa mga aso upang magkaroon ng mahigpit na pagkilos para maiwasan ang rabies sa komunidad sa buong lalawigan ng Quezon,” dagdag pa ng administrador.(Reygan I. Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK