World Rabies Day, Gugunitain ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2014-09-22

 

 

Gugunitain ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang World Rabies Day sa ika-28 ng Setyembre, 2014 sa pamamagitan ng Fun Run at Dog-A-Palooza sa Pacific Mall sa ganap na alas-sais ng umaga.

 

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla, ginugunita taun-taon sa buong mundo ang World Rabies Day bilang pagpapakita ng suporta at sama-samang pagkilos laban sa sakit na rabies.

 

Ayon pa kay Caguicla na base sa tema ngayong taon na “Together Against Rabies” ay talagang kailangan ang pagtutulungan para maging rabies free ang Quezon at ang Pilipinas na ang national target para maging Rabies Free Philippines ay sa 2016 na wala nang matatalang kaso ng rabies sa tao at hayop.

 

“Napakahirap pero hindi imposibleng adhikain kaya kami nay magtutulong-tulong, katulong din ang bawat isang mamamayan para mawala na ang rabies dito sa Pilipinas. Ang rabies ay 100% na nakamamatay pero 100% preventable din,” dagdag pa ni Caguicla.

 

Sa lalawigan ng Quezon, base sa ulat ng Provincial Veterinary Office ay may napatalang labing-isang (11) kaso ng rabies sa aso; sa Gumaca ay anim, Tayabas ay dalawa, Pitogo ay dalawa at Lucban ay isa.

 

Samantala, ayon naman sa ulat ni Dr. Grace Santiago ng Integrated Provincial Health Office na ngayong taon ng 2014 ay may napatala nang sampung (10) kaso ng rabies sa tao na mas mataas kumpara noong nakaraang taon na nagkaroon ng walong kaso. Ang sampung kasong ito ngayong taon ang pinakamataas sa buong CALABARZON.

 

Ayon pa kay Santiago na sa kabila ng mayroong labing-siyam (19) na Animal Bite Treatment Center sa lalawigan ng Quezon na kinabibilangan ng labing-apat (14) na pampublikong ospital at limang (5) Rural Health Unit ay kulang pa din ang effort para mapababa ang human rabies.

 

“Sana po ating pagtulungan na maibaba o hindi na maitaas ang sampung kaso nating ngayon taon at hinihiling ang bawat isa na makipag-coordinate kung mayroon kayong mga aso o pusa na hindi pa bakunado na makipag-ugnayan sa mga veterinary office at municipal agriculturist ng bawat bayan,” dagdag pa ni Santiago.

 

Pinaalalahan din nito ang lahat na kung may kakilala na nakagat ng aso o pusa na huwag ng maghintay ng ika-14 na araw para hintaying mamatay ang aso o pusa, kapag nakagat pumunta kaagad sa Animal Bite Treatment Center.

 

Hiniling din ni Provincial Administrator Romulo Edano Jr. sa lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan na maging bahagi sa kampanya ng pamahalaang panlalawigan at ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging Rabies Free ang buong lalawigan ng Quezon at pakiisa sa programa ng pamahalaang nasyonal na Rabies Free Philippines. (Reygan I. Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK