Farm Business Planning, Isinagawa ng OPA-Quezon


 

2014-09-18

 

 

Isinagawa ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng tanggapan ng panlalawigang agrikultor ng Quezon ang dalawang araw na pagsasanay tungkol sa Farm Business Planning: Value Chain Approach sa Ouan’s Worth Farm & Resort, Lungsod ng Lucena noong ika-10 at 11 ng Setyembre, 2014.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, layunin ng pagsasanay ang pagpapalakas sa mga stakeholders o mga kliyente na katuwang ng tanggapan sa pagpapaunlad ng agrikultura sa lalawigan na isa sa tinututukan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura.

 

Layunin din nito na maisaayos ang pagproseso at pagbebenta ng mga produkto, isasagawa ang tamang proseso upang mas higit na makita ang dekalidad ng mga produkto, maiwasan ang mga middle man na siyang may control sa presyo ng mga produkto sa mga magsasaka, matulungan na matuto sa pakikipag-ugnayan at pagpaplano ng tamang paraan upang kumita ang mga magsasaka na siyang naghihirap mula paghahanda ng lupa, pagtatanim at pag-aani.

 

Ayon pa kay Gajo na napapanahon na ang mga magsasaka naman ang magpataas ng kalidad, mapalawak ang kaalaman at self-confidence na makipagsabayan sa buong mundo sa mga pangunahing produkto.

 

Ito ay paraan din upang mapabilis ang pagbebenta ng mga produkto dahil mas lalawak ang ugnayan ng mga mamimili o mga establisimyento na kumukuha ng mga produkto.

 

Idinagdag pa nito na inaasahan sa mga sumailalim sa pagsasanay na makakagawa ang mga ito plano kung paano ang iba’t ibang produkto mula sa agrikultura ay ipapasok sa kanilang programa na napapaloob sa Value Chain Approach.

 

Kabilang sa mga tinalakay sa naturang pagsasanay ang Introduction to Value Chain Analysis, Selecting the Value Chain, Analyzing a Value Chain, Economics Analysis, Value Chain Upgrading Strategy at Monitoring and Measuring Inputs.

 

Ito ay nilahukan ng iba’t ibang sektor o stakeholders ng agrikultura sa lalawigan tulad ng QMGA, Organic Associations, Vegetable, Coconut, Rice at Corn Growers, at mga rural based organizations.  (Reygan Mantilla-Quezon PIO / OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK