Document Tracking System, Ipatutupad ng Provincial Accountant


 

2014-09-15

 

 

Nakatakdang ipatupad ng Provincial Accountant’s Office ang Document Tracking System upang mabilis na matukoy ang mga dokumento na dumadaan sa kanilang tanggapan at mabilis na matugunan ang anumang pangangailangan.

 

Ayon kay Evangelina Ong, Provincial Accountant ng lalawigan ng Quezon na sa pamamagitan ng document tracking system ay malalaman kung nasaan na at ano ang status ng mga dokumento.

 

Gayundin, ito ay isang pamamaraan para mabilis na ma-assess ang performance ng mga tauhan ng naturang tanggapan. Sa pamamagitan nito ay mabilis na matutukoy kung sino ang mga kawani na kaunti at maraming ginagawa.

 

Ang naturang sistema ay hiniling ng tanggapan sa Provincial Information and Communication Technology Office (PICTO) para magamit ng Provincial Accounting Office.

 

Inaasahan din ni Ong na maipatupad ang document tracking system sa lahat ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon upang mabilis ang pagtukoy at pagmonitor ng mga dokumento sa bawat tanggapan.

 

Ayon naman kay Romulo Edano Jr., Provincial Administrator na malaki ang ginampanang tungkulin ng Accounting Office sa reform policy ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pagtaas ng koleksiyon sa PhilHealth ng Quezon Medical Center.

 

Halos na doble ang PhilHealth income na tinanggap sa last quarter at ito ay dahil sa pagnanais ng pamunuan ng ospital na magkaroon ng higit na masinop, episyente at epektibong pamamahala sa ospital sa tulong ng extension office ng Provincial Accounting sa Quezon Medical Center.

 

Samantala, nagkaroon ng dalawang araw na evaluation and assessment training on first-aid and disaster management at team building ang tanggapan ng Provincial Accounting na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office noong September 12 – 13, 2014 sa Perez, Quezon.(Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK