Governor Suarez, Nag-ulat sa Lalawigan


 

2014-09-03

 

 

Nag-ulat sa lalawigan ng Quezon si Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng kanyang ika-4 na State of the Province Address noong ika-2 ng Setyembre, 2014 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

 

Iniulat ng gobernador sa isinagawang joint session ng Sangguniang Panlalawigan, Sangguniang Panlungsod ng Lucena at Tayabas at mga sanggunian bayan sa buong lalawigan ng Quezon ang mga programang ipinatupad at patuloy pang ipinatutupad ng kanyang administrasyon na nagbibigay serbisyo sa mga mamamayan ng lalawigan at nagbibigay kaunlaran sa kanilang buhay.

 

Sektor ng Kalusugan

 

Makalipas ang apat na taong implementasyon ng Serbisyong Suarez Health Coupon o Lingap Kalusugan sa Barangay ay umabot na sa 162,081 ang natulungan ng naturang programa.

 

Nakipagtulungan sa PhilHealth para maipatupad ang Health Insurance Coverage sa ilalim ng PhilHealth Sponsored Program. Ang pamahalaang panlalawigan ang sumasagot sa P1,200 o kalahati ng premium para sa outright enrolment kung sila ay mako-confine sa mga pampublikong ospital at umabot na sa 2,947 ang natulungan sa loob ng pitong (7) buwan at naka-avail ng No Balance Billing.

 

Upang mapaganda ang serbisyo ng ospital at matiyak ang steady supply ng gamot at sapat na kagamitang medikal ay nakipagtulungan sa 43 consignors at private pharmaceutical companies.

 

Sa pagsasaayos at pagpapagawa ng mga district hospital, hinangaan ni DOH Sec. Enrique Ona ang improvement na nangyayari sa mga ospital sa lalawigan. Malapit na ring matapos ang bagong Claro M. Recto District Hospital sa Infanta. Pagpapatayo ng bagong Polilio Community Medicare Hospital sa lupang ipinagkaloob nina Izar Hernandez at Rupero Ayura.

 

Nadagdagan ang bed capacity ng Candeklaria Municipal Hospital, inayos ang pasilidad at serbisyo medikal ng Guinayangan Community Medicare at Unisan Community Medicare, pinaganda din ang Bondoc Peninsula District Hospital, Atimonan District Hospital, Magsaysay Memorial District Hospital sa Lopez, San Francisco District Hospital at San Narciso Municipal Hospital sa tulong ng Department of Health na ipinagkakaloob sa pamahalaang panlalawigan.

 

Upang tugunan namana ng sakit na TB ay naglagay ng Multi-Drug Resistant Treatment Center sa Gumaca District Hospital at Quezon Medical Center at mayroon ng Gene Xpert Machine para sa tama at maayos na pagsusuri ng tuberculosis.

 

Pagpapatupad ng kampanya laban sa open defecation na kasalukuyang ipinatutupad sa bayan ng Gumaca, Buenavista at Quezon sa tulong ng World Bank para maiwasan angn kontaminasyon ng mga iniinom na tubig at mai-promote ang proper hygience at sanitasyon.

 

Pagpapalakas ng mga programang pang-nutrisyon na higit pang pinasigla ng Multi-Sectoral Nutrition Council at pinatatag ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor. Kabilang sa mga programang ipinatutupad ay ang malakawang pagsasanay sa paghahanda ng wastong pagkain sa tahanan, pagtatayo ng gulayan sa bakuran, pagpapakain ng nutri-bread sa mga malnourished na kabataan at pagtuturo ng wastong paglilinis ng katawan.

 

Sa loob ng 3 taon ay umabot na sa 118,600 ang nakinabang sa supplementary feeding program ng DSWD para sa mga Day Care pupils at 35,220 grade 1 pupils naman ang nakinabang sa nutri-juice school-based supplementary feeding program sa loob ng 4 na taon.

 

Ipo-promote ng pamahalaang panlalawigan ang herbal program sa mga bayan at barangay. Ang Quezon National Park sa Atimonan ang magsisilbing sentro ng Herbal Program at naglaan na ang pamahalaang panlalawigan ng 25 milyon pesos para sa naturang proyekto.

 

Sektor ng Edukasyon

 

Makalipas ang 4 na taon nang magsimula ang Quezon Science High School sa 83 mag-aaral, ngayon ay mayroon nang 283 ang nag-aaral dito mula sa 39 bayan at 2 lungsod sa lalawigan. Sa loob din ng 4 na taon ay nakapagpatayo ng 92 computer laboratories, 213 bagong silid-aralan kabilang ang 12-classroom building sa Quezon National High School.

 

Sa Scholarship Pogram, sa kasalukuyan ay mayroong 6,734 scholars sa kolehiyo at 14 scholars sa masters degree program para sa mga guro at 2,840 na scholars ang nakatapos na.

 

Sektor ng Agrikultura

 

Mabilis na umaksyon ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng state of calamity dahil sa pag-atake ng pesteng cocolisap sa mahigit kalahating milyong (500,000) punong niyog at ekta-ektaryang  mangosteen sa lalawigan ng Quezon.

 

Isinagawa ang massive spraying, fertilization, information education campaign at nagtayo ng rearing station for biological control na nakapagpabagal sa pagkalat ng peste sa lalawigan.

 

Sa kabila ng problema sa industriya ng niyog, naging masigla naman ang ibang sektor ng agrikultura. Tumaas ang produksiyon ng palay at gulay. Nakapagtala ng 43% increase sa produksiyon ng mais, mula 30,333 metric tons noong 2010 tumaas ito noong 2013 at umabot sa 43,376 metric tons sa tulong ng Comprehensive Corn Enhancement Productivity Program na ipinatupad sa mga bayan ng San Francisco, San Narciso, Catanauan, Mulanay, Buenavista at San Andres.

 

Patuloy din ang pagsuporta sa mga Rural Based Organizations tulad ng RIC, 4-H Club, farmers’ association at iba pang mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga livelihood projects at pamamahagi ng mga farm equipment, postharvest facilities, seeds, fertilizers at iba pang agricultural inputs. Higit sa lahat, tinuturuan ang mga magsasaka na maging mga negosyanteng magsasaka.

 

Nadadala na ang mga produktong langgonisang lukban na sariwa sa merkado dahil sa pagkakaloob ng refrigerated van sa Lukban Langgonisa Makers Association (LUKLAMA).

 

Sa tulong ng First Lady Anna Villaraza-Suarez ay nakikilala na at ibinibenta na ngayon sa mga high end stores sa Maynila, Quezon City at Makati ang mga produkto ng lalawigan tulad ng yellow ginger tea ng General Luna, Corn Coffee ng San Andres, Bangus in Oil ng Guinayangan, Shrimp Paste ng Unisan at Smoked Fish Flakes ng Lucena.

 

Nakilala na din ang lalawigan sa buong bansa oagdating sa Organikong Pagsasaka sa pamamagitan ng Quezon’s Participatory Guarantee System, isang sistema na nagtitiyak na ang organikong produkto ng mga magsasaka ay tunay na sumusunod sa organikong teknolohiya.

 

Pinalakas din ang artificial insemination program para sa pagpapataas ng lahi ng baboy, baka at kalabaw. Gayundin ang pag-aalaga at pagpaparami ng native na baboy sa lalawigan.

 

Sa sektor naman ng pangisdaan, 156% ang fish suffiencylevel ng lalawigan ng Quezon noong 2013, ibig sabihin nakakapag-supply ang lalawigan ng isda sa ibang lalawigan sa CALABARZON. Pinalakas ang pag-aalaga ng magagandang klase at dekalidad na isda sa mga fish cages at fishponds tulad ng lapu-lapu, apahap, red snapper at pompano.

 

Imprastraktura

 

Malaking ambag sa pag-unlad sa turismo ang mga infrastructure projects. Noong nakaraang taon, natala ang 1.5 bilyong halaga ng mga proyekto sa lalawigan kabilang ang pagsasaayos ng mga pantala, rehabilitasyon ng mga ospital, pagpapagawa ng mga silid-aralan, pagsasaayos ng mga water system at ang pagkokonkreto ng mga lansangan. Umabot sa 108.96 kilometro ng farm-to-market road at provincial road ang naipakonkreto ng pamahalaang panlalawigan.

 

Awards at Recognitions

 

Ipinagmalaki din ng gobernador ang mga karangalan at pagkilalang tinanggap ng mga Quezonian sa iba’t ibang larangan tulad ng palarong pambansa, akademiko at dyornalismo, sa agrikultura, at social services na tinanghal na Most Outstanding Governor of the Philippines in the field of social services at Most Outstanding Governor in the Field of Agriculture and Fisheries sa CALABARZON si Governor Suarez.

 

Bagyong Glenda

 

Dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Glenda sa lalawigan ng Quezon na libo-libo ang naapektuhan at nawalan ng tahanan, mahigit 2 bilyong piso ang naging pinsala sa agrikultura at imprastraktura, kaagad na kumilos ang pamahalaang panlalawigan sa paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan. Umabot sa 50,719 family relief packs ang naipamahagi na pinakinabangan ng humigit kumulang na 300,000 Quezonian sa tulong ng DSWD at mga pribadong kompanya at indibidwal tulad ng San Miguel Corporation, Aboitiz, Meralco, Filipino Chinese Chamber of Commerce, Quezon Power Limited at Palmville.

 

Nagdeklara sa pamamagitan ng Executive Order ng Araw ng Bayanihan sa Paaralan, sama-samang paglilinis at pag-aayos ng mga nasirang paaralan upang maibalik sa mabilis na panahon ang normal na takbo ng buhay ng mga mag-aaral. Gayundin, kaagad ding binuo ang rehabilitation and recovery committee.

 

Galing Pook Award

 

Ipinagmalaki naman ng gobernador na parehong nagwagi sa Galing Pook Awards 2014 ang dalawang programa ng pamahalaang panlalawigan, ang Quezon’s 2-in-1 at Health Coupon Program na nakatakdang tanggapin ang gawad parangal sa October 21, 2014 sa Malacanang.

 

Umabot sa 39,002 ang boluntaryong naglaan ng oras at panahon para magtanim ng mahigit 2 milyong puno ng bakawan sa loob ng isang araw. Umabot naman sa 162,081 ang nakinabang sa serbisyong medikal o Serbisyong Suarez Health Coupon.

 

Ang Quezon ang kauna-unahang probinsya na makakatanggap ng Galing Pook Award para sa dalawang programa sa loob ng isang taon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK