Quezon's 2-IN-1 at Health Coupon, Wagi sa Galing Pook Awards 2014


 

2014-09-03

 

 

Buong pagmamalaking ipinahayag ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa kanyang ika-4 na State of the Province Address na parehong nagwagi sa Galing Pook Awards 2014 ang dalawang programa ng pamahalaang panlalawigan, ang Quezon’s 2-in-1 at Health Coupon Program.

 

Ayon kay Governor Suarez, inimbitahan siya na dumalo sa Malacanang sa October 21, 2014 para tanggapin ang gawad parangal para sa dalawang programa na parehong nagwagi sa Galing Pook Awards ngayong taon.

 

“Muli na naman pong umukit ng kasaysayan ang ating lalawigan sapagkat tayo ang kauna-unahang probinsya na makakatanggap ng Galing Pook Award for two projects in one year,” pahayag ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na naging matagumpay ang Quezon's 2-in-1 dahil sa pakikiisa, pagsasama-sama at pagmamahal sa kalikasan. Umabot sa 39,002 ang boluntaryong naglaan ng oras at panahon para magtanim ng mahigit 2 milyong puno ng bakawan sa loob ng isang araw.

 

“This is unprecedented for any environmental initiative to be implemented by a local government unit,” dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, naging epektibo naman ang Serbisyong Suarez Health Coupon dahil sa pagtutulungan ng mga punong barangay, punong bayan at ng pamahalaang panlalawigan at umabot sa 162,081 ang nakinabang sa serbisyong medikal.

 

Ang Galing Pook Award ay maituturing na pinakamataas at pinakaprestihiyosong parangal na maaaring matanggap ng isang Local Government Unit. Ito ay nilalahukan ng mga barangay, munisipyo, lungsod at probinsya kung saan kinikilala ang mga programang epektibo, sustenable at malikhain; at binuo kasama ang mga mamamayan at ipinatupad para sa mga mamamayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK