Malawakang Ligtas Tigdas Campaign, Nagsimula na sa Quezon


 

2014-09-01

 

 

Sinimulan na sa lalawigan ng Quezon ang malakawang Ligtas Tigdas Campaign o Measles, Rubella and Oral Polio Vaccine Mass Immunization (MR OPV MI) para sa buong buwan ng Setyembre ngayong taon sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO).

 

Target ng naturang mass immunization ang 0-59 months old na bata para sa oral polio vaccine at 9 – 59 months old para sa measles rubella, nabakunahan na o hindi pa.

 

Ayon kay Ma. Joeann Reyes, Provincial EPI Coordinator na sa lalawigan ng Quezon ang target na bakunahan sa buong ng buwan ng Setyembre ay 11.5% o 250,000 batang limang taon pababa.

 

Ayon naman kay Dr. Grace Santiago, OIC Head, Technical Services Division ng IPHO na ang Ligtas sa Tigdas Campaign ay malawakang pagbabakuna sa buong bansa at ito ay inadopt ng probinsya bilang pakikiisa sa WHO at DOH.

 

“Bakit ginagawa ito kahit mayroon na tayong lingguhang pagbabakuna? Hindi natin maiiwasan ang outbreak lalo na ngayon na dumadami ang kalamidad,” dagdag pa ni Santiago.

 

Ang kampanya ay aktibong sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng paglalabas ng punong lalawigan ng executive order na humihikayat sa lahat ng punong ehekutibo ng bawat bayan at lungsod sa lalawigan na ipagpaliban muna ang iba pang aktibidad para masuportahan at magkaroon ng kooperasyon at koordinasyon sa malawakang pagbabakuna.

 

Ayon pa kay Santiago na nakahanda din ang labing-anim (16) na pampublikong ospital sa lalawigan kung sakaling magkaroon ng adverse events following immunization o AEFI ang mga batang babakunahan at hindi na kailangang magbayad sa mga ospital.

 

Sa mensahe naman ni Provincial Administrator Rommel Edano, Jr. na hindi ito ang una’t huling aktibong pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan bagkus panibagong simula ito para ipakita ang masidhing intensiyon na wakasan ang mga sakit na nabanggit.

 

Hinikayat din ni Edano ang lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan at mamamayan ng lalawigan ng Quezon na magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa tigdas at polio upang sa gayon ay makaiwas at magkaroon ng maayos na implementasyon ng programa ng DOH at pamahalaang panlalawigan.

 

Samantala, ang lahat ng mga batang may 0 – 59 buwan gulang at 9 – 59 buwan gulang (nabakunahan na o hindi pa) ay maaaring dalhin sa pinakamalapit na health center o vaccination post para sa libreng bakuna kontra tigdas at patak kontra polio.

 

Ang tigdas ay isang nakakahawang sakit na karaniwang apektado ay mga batang may edad 6 na buwan hanggang 12 taong gulang, kadalasan ang mga bata sa mahihirap na bansa ang nagkakaroon ng tigdas na galing sa measles virus o rubeola.

 

Kabilang sa mga sintomas ng tigdas ay lagnat na tumitindi pagdating ng 4-5 araw, sibpon at ubo, pamumula at pagmumuta ng mga mata at kakaibang pamamantal o rashes sa buong katawan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK