Mahigit 13,000 Guro sa Lalawigan ng Quezon, Nagtipon-tipon


 

2014-08-29

 

 

Muling nagkasama-sama ang mahagit labintatlong libong mga guro mula sa buong lalawigan ng Quezon sa isinagawang taunang Teachers’ Convention na pinangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan at DepEd-Quezon noong ika-28 at 29 ng Agosto, 2014 sa Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena.

 

Sa naging pananalita ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay ikinuwento nito ang naging epekto ng bagyong Glenda partikular sa mga paaralan sa lalawigan ng Quezon at ang naging aksyon ng pamahalaang panlalawigan.

 

Ayon kay Governor Suarez, marami sa mga school building at mga covered court ang nasira dahil sa bagyong Glenda. Kaagad na binuo ng gobernador ang Provincial Development Council at nagpa-set aside ito ng limampung milyong piso (P50M) para sa pagsasaayos ng mga nasirang paaralan.

 

Nagpasalamat din ang gobernador sa Department of Education sa pamamagitan ni Sec. Armin Luistro sa ipinangako ng kalihim na tutulong sa rehabilitation program na ipapatupad ng pamhalaang panlalawigan sa mga paaralan sa Quezon.

 

Tiniyak naman ng gobernador na ang mga ipapagawang mga bagong school building ay typhoon resistant para kahit anong bagyo ang dumaan sa lalawigan ay hindi mangangamba ang mga gumagamit nito.

 

Ipinagmalaki din ng gobernador sa mga guro ang pagtugon ng kanyang administrasyon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa lalawigan ng Quezon. Sa loob ng apat na taon ay nakapagpagawa ng 203 classroom at 93 computer laboratory at patuloy pang magpapagawa ng mga karagdagang computer laboratories para sa computer literacy program ng pamahalaang panlalawigan.

 

Samantala, isa si Angel Lavarro, guro mula sa Quezon National High School na dumalo sa naturang pagtitipon ang nagpahayag ng pasasalamat sa gobernador na ayon sa kanya ay naging informative at full of entertainment ang buong maghapon.

 

“It’s my first time to attend this convention and I must say that I really enjoyed it. Thank you very much Governor Suarez for this momentous event for us teachers, thank you for this day which made us teachers more happier”, mensaheng ipinadala ni Lavarro sa Facebook Page ng Quezon Provincial Information Office. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 
 
BACK