26 Rebel Returnees, Tumanggap ng Livelihood Assistance


 

2014-08-29

 

 

Personal na ipinagkaloob ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang livelihood assistance na nagkakahalaga ng P65,000.00 bawat isa sa dalawampu’t anim (26) na dating miyembro ng New People’s Army sa tanggapan ng punong lalawigan noong ika-28 ng Agosto, 2014.

 

Ayon kay Governor Suarez, pangunahing aspeto sa programang pangkaunlaran ay ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng buong lalawigan ng Quezon at naging hamon sa kanila na patunayan ang mga proyekto at mga programa ng pamahalaang panlalawigan ay mapapakinabangan at tumatagos sa barangay at maramdaman ang tunay na serbisyo ng pamahalaan.

 

“Ito’y naging hamon sa amin, iparamdam, ipababa ang mga proyekto at programa ng ating pamahalaan at natutuwa naman tayo sa maraming aspeto, una na lang sa programa sa pangkalusugan, scholarship, pang-edukasyon, pangkabuhayan, ito’y napapakinabangan ng mga kababayan natin na higit na nangangailangan”, dagdag pa ng gobernador.

 

Tiniyak din ng gobernador na hindi one-shot deal ang tulong na ibibigay ng pamahalaang panlalawigan, bukod sa halagang P65,000.00 na ibinigay, siniguro ng gobernador na makakasama ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan sa mga programang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na pangmatagalang tulong tulad ng scholarship program para mga anak ng mga rebel returnee, gagawing miyembro ng PhilHealth at tulong sa agrikultura tulad ng pagtatanim ng mais.

 

“Ipaparamdam namin sa inyo ang seryosong pagmamalasakit at pag-aaruga ng pamahalaang panlalawigan para mas marami pa tayong mahikayat na sumama sa atin”, ayon pa sa gobernador.

 

Ang pinansyal na tulong na ipinagkaloob sa mga rebel returnee ay bahagi ng Comprehensive Local Integration Program (CLIP) na ipinatutupad ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process (OPAPP) na ibinaba sa Provincial Office ng Department of Interior and Local Government (DILG).

 

Ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang nagsilbing focal point of authority at namamahala sa naturang programa simula 2011 at inilipat sa Provincial DILG noong May 15, 2014 sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular of OPAPP at DILG.

 

Ang 26 na dating rebelde ay sumuko sa 201st Infantry Brigade, pangunahing unit ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na nagpapatupad ng Internal Peace and Security Plan (IPSP) Bayanihan campaign sa rehiyon noong unang bahagi ng taon. (Reyga Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK