Magniniyog sa Sampaloc at Mauban, Tumanggap ng Ayuda Mula sa Pamahalaang Panlalawigan


 

2014-08-26

 

 

Nagsimulang isakatuparan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist Coconut Development Division (OPACDD) ang paunang ayuda sa ilalim ng rehabilitation program ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez para sa mga niyugang naapektuhan ng Coconut Scale Insect o Cocolisap at nasalanta ng bagyong Glenda.

 

Namahagi ang naturang tanggapan sa pamumuno ni Roberto Gajo ng iba’t ibang binhing gulay na itatanim sa ilalim ng niyugan sa bayan ng Sampaloc at Mauban.

 

Bukod sa pamamahagi ng binhi, nagkaroon din ng maikling talakayan tungkol sa abono at demo sa fertilizer application na pinangunahan ni Coconut Development Division Center Chief Redempta Querubin.

 

Ayon kay Querubin, ang abono ay makakapagbigay ng resistensiya laban sa sakit at peste, makakadagdag ng berde o yabong sa mga dahon at tikas sa katawan ng mga puno ng niyog. Gayundin, ang pag-aabono sa niyugan ay makakadami ng bunga na may mas makapal na laman at mabigat na timbang.

 

Ang mga abonong ipinamahagi ay ammosol, complete at urea na dinala sa Barangay Mamala, Bilucao, Banot, Alupay sa bayan ng Sampaloc at Barangay Concepcion sa Mauban, Quezon at tinanggap ng mga Rural Based Organization leaders tulad ng Farmers Association at mga kagawad sa agrikultura ng bawat barangay.

 

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga tumanggap ng mga binhing gulay at mga abono sa pamahalaang panlalawigan dahil damang-dama nila ang malasakit at tunay na intensiyon ni Governor Suarez na maibalik muli ang sigla ng industriya ng pagniniyugan para makasapat sa mga pangangailangan ng mga pamilya at maiangat ang pamumuhay ng magniniyog. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. & Training Unit)

 

 

 

 

 
 
BACK