Ika-136 Taong Anibersaryo ng Kapangakan ni Quezon, Ipinagdiwang


 

2014-08-19

 

 

Pinganunahan nina Senador Joseph Victor “JV” Ejercito Estrada at Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang pagbibigay pugay kay dating Pangulong Manuel Luis Quezon sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa monumento nito kaugnay ng pagdiriwang  ng ika-136 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Quezon noong ika-19 ng Agosto 2014.

 

Ayon kay Governor Suarez, naging gabay ang mahusay na pamumuno ni Pangulong Quezon upang tayo ay magsumikap na sumunod sa kanyang mga yapak sa paglilingkod sa bayan nang may integridad at pagmamalasakit sa kapwa. Gayundin, ipinagpatuloy ang ipinamanang maayos at tapat na pamamahala.

 

“Nawa ay patuloy nating taglayin ang mga kahanga-hangang katangian ni Pangulong Quezon tulad ng pagiging marangal, makatao at makabayan. Gawin natin siyang ehemplo na linangin ang ating mga kakayahan upang maging kasangkapan para sa mas tanyag at maunlad na lalawigan ng Quezon”, dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na sa malaking naging pinsala ng nagdaang bagyong Glenda sa lalawigan kabilang ang libu-libong mga tahanan at kabuhayan pati na rin sa mga pribado at pampublikong istraktura ay inaasahan ng pamahalaang panlalawigan ang kolektibong pagkilos at pakikiisa ng bawat isa upang mabilis na mapanumbalik ang kaayusan sa ating lalawigan.

 

Samantala, nag-alay ng din bulaklak sa monumento ni Pangulong Quezon ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang nasyonal at lokal kabilang ang pulisya at hukbong sandatang lakas (AFP-SOLCOM), mga paaralan, mga pribadong samahan, mga non-government organization at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK