DRRM Summit, Isinagawa ng Lalawigan ng Quezon


 

2014-04-10

 

 

Matagumpay na naisagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang Quezon Provincial Summit on Disaster Risk Reduction and Management noong April 8, 2014 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Dr. Henry Buzar, PDRRM Officer na ang pagtitipong ito ng mga tagapamanihala ng disaster at climate change adaptation ay upang makapag-usap ng maayos at mabigyan ang lahat ng mga bagong konsepto at pamamaraan kung paano malalabanan ang disaster sa tulong ng Office of the Civil Defense IV-A at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) IV-A.

 

Ayon naman kay Governor Suarez, naisakatuparan ang summit para balikan at pag-aralan ang paghahandang ginagawa ng pamahalaang panlalawigan at ng bawat bayan sa nagaganap na global warming at climate change.

 

“Napakaswerte ng lalawigan, tayo bilang isang lalawigan ay hindi pa binibisita ng malaki at malakas na bagyo for the past 4 years. Pero hindi ibig sabihin na hindi tayo dapat maghanda, this effect we see happening globally and in our country should be a wake-up call to everybody and the provincial government of Quezon and for the municipal government, for the barangay and for the local DRRMC together”, dagdag pa ng gobernador.

 

Nagpahayag din ng pagkabahala ang gobernador base sa kanyang napansin ng personal na bumisita sa Leyte at Samar dahil lahat naman yata ng paghahanda na pwedeng gawin ng isang lokal na pamahalaan kung ang laki ng bagyong tatama ay tulad ng laki at lakas ni Yolanda ay hindi sasapat ang paghahandang ginagawa tulad na lamang aniya ng mga evacuation center na hindi din maituturing na ligtas na gawing evacuation center ang mga paaralan.

 

Ito umano ang nagbunsod sa kanya para atasan ang Provincial Engineering Office na gumawa ng disenyo ng evacuation center na gaano man kalakas ang bagyo ay matitiyak na kung sino man ang dadalhin dito ay magiging ligtas.

 

Hiniling naman ng gobernador ang tulong ng mga punong bayan na magiging katuwang sa proyektong ito na silang tumukoy ng mga lugar na pagtatayuan ng mga bagong evacuation center sa kanilang munisipalidad.

 

Kabilang din sa pagpapalakas ng disaster preparedness program ng pamahalaang panlalawigan ay pagbababa nito sa mga barangay sa pamamagitan ng mga isinasagawang pagsasanay ng mga barangay tanod na silang nagiging disaster response officer pero dahil umano sa nakalipas na barangay eleksiyon ay napalitan ang iba sa mga ito.

 

Kinakailangan na umanong i-institutionalize ang DRRMC hindi lamang sa mga munisipalidad kundi maging sa mga barangay na kung tatamaan man ng bagyo, pagbaha, pagbuhos ng malakas na ulan ay may taong handang tumulong, magbigay ng asiste sa mga maaapektuhan sa barangay.

 

Pinuri naman ni Regional Director Vicente Tomazar ng Office of the Civil Defense IV-A at Chairperson ng RDRRMC IV-A ang performance ng lalawigan ng Quezon sa mahusay na paglilingkod ng pamahalaang panlalawigan hanggang sa barangay level ang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRRMC) na patuloy na tumututok sa disaster risk reduction and management.

 

Pinuri din ni Regional Director Josefina Castilla-Go ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Vice-Chairperson ng RDRRMC IV-A for preparedness ang lalawigan ng Quezon sa pagiging 100% organisado ng DRRM Council nito.

 

Ipinakita naman sa pamamagitan ng static display ang iba’t ibang kagamitan sa pagsagip ng buhay at pagpapakita ng pagiging handa ng MDRRMC ng mga bayan ng Sariaya, Tiaong, Atimonan, Unisan at General Nakar.

 

Samantala, nakiisa din dito ang ilang punong bayan sa lalawigan ng Quezon, mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), mga Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO), mga municipal accountant, mga municipal budget officer, mga municipal environment and natural resources officer (MENRO) at mga punong barangay.

 

Dumalo din dito ang regional office ng Department of Science and Technology IV-A (DOST), Department of Social Welfare and Development IV-A (DSWD) at National Economic and Development Authority IV-A (NEDA), gayundin, ang Quezon PNP, BFP – Quezon, DILG – Quezon at Southern Luzon Command (SOLCOM) ng Armed Forces of the Philippines. (Quezon PIO)

 
 
BACK