100 Kabataan, Makakapagtrabaho Ngayong Bakasyon


 

2014-04-14

 

 

Isandaang (100) kabataan ang nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho ngayong bakasyon sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Employment Service Office (PESO) sa ilalim ng programang Special Program for Employment of Students (SPES).

 

Ayon kay Atty. Melojean Puache, Provincial Employment Service Officer na ang naturang programa ay tatlong taon nang ipinatutupad sa pamahalaang panlalawigan sa kagustuhan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na matulungan ang mga kabataan ng lalawigan na matatalino ngunit walang kakayahan ang mga magulang na tustusan ang kanilang pag-aaral.

 

Ang SPES ay itinatadhana ng Republic Act No. 9547 amending RA 7323 o “An act to help poor but deserving students pursue their education by encouraging their employment during summer and/or Christmas vacations through incentives granted to employers”.

 

Ang mga kabataang ito ay makakatuwang ng mga empleyado sa araw-araw na gawain na tatagal ng dalawampu’t walong (28) araw. Ang sweldo ng mga ito ay magmumula sa pamahalaang panlalawigan ang 60 porsiyento ng kabuuang sahod habang ang 40 porsiyento ay ibibigay ng DOLE.

 

Ang programa ay naging bukas sa lahat ng mga estudyante na nasa hayskul, kolehiyo, bokasyonal o mga drop-outs na nasa edad na 15 – 25; naka-enroll sa kasalukuyang taon o sa susunod na pasukan; pati ang mga drop-outs na nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral; hindi hihigit sa P36,000 ang kita ng mga magulang bawat taon; may pasadong grado; at ang mga magulang ay walang kakayahan o walang trabaho.

 

Samantala, sa mga naghahanap ng trabaho ay patuloy pa rin ang Provincial Employment Service Office sa pagtanggap ng mga aplikante para sa iba’t ibang kompanya sa lalawigan ng Quezon at sa mga karatig lalawigan. (Quezon PIO)

 
 
BACK