Governor Suarez, 2013 Most Outstanding Provincial Governor


 

2014-04-23

 

 

Personal na tinanggap ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang Gawad Parangal bilang 2013 Most Outstanding Provincial Governor sa buong bansa sa larangan ng local social welfare and development sa Sarabia Manor Hotel and Convention Center, Iloilo City noong April 23, 2014.

 

Ang awarding ceremony ang isa sa tampok na bahagi ng 18th National Social Welfare and Development Forum and General Assembly ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines Incorporated (ALSWDOPI), samahang magkakaloob ng naturang parangal.

 

Kabilang sa mga naging basehan ng asosasyon sa pagbibigay ng parangal ay ang mga programa ng gobernador para sa kapakanan ng mga kabataan, mga nakatatanda, may mga kapansanan at ang mga ginawa nitong pagtulong sa mga naging biktima ng kalamidad hindi lamang sa kanyang mga kababayan kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa kasama na ang mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa bahagi ng Visayas Region.

 

Pinagbasehan din sa naturang parangal ang mga programa ng gobernador sa edukasyon kabilang na rito ang patuloy na pagpapatayo ng mga day care center, computer laboratory at supplemental feeding program para sa mga bata.

 

Naging malaking basehan din ang ginawang pagkilala ng Department of Interior and Local Government sa lalawigan sa pamamagitan ng Galing Pook Award para sa programang Lingap Kalusugan para sa Barangay o Health Coupon na tinatayang mahigit isandaang libong katao na ang nabiyayaan.

 

Ito na ang ikalawang karangalan na inani ng Quezon mula sa ALSWDOPI. Matatandaan na itinanghal ang hepe ng PSWDO - Quezon na si Sonia Leyson bilang 2011 Most Outstanding Provincial Social Welfare and Development Officer of the Philippines.

 

Bukod kay Suarez, nagmula din sa lalawigan ng Quezon ang Most Outstanding Municipal Mayor sa larangan din ng local social welfare and development na nakamit ni Mayor Isaias “Sonny” Ubana II ng bayan ng Lopez at Most Outstanding Municipal Social Welfare and Development Officer na nakamit ni Anibel Cayabat ng Buenavista, Quezon.

 

Sa nakalipas na buwan at taon ay sunud-sunod na tumanggap ang lalawigan ng Quezon at si Governor Suarez ng mga parangal mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Bakas Parangal ng Kagingitan mula sa Office of the Civil Defense IV-A at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council IV-A; National Tuberculosis Program Award sa pagiging Highest Case Detection Rate in Region IV-A mula sa Department of Health (DOH), gayundin ang pagkilala ng DOH sa pagpapalakas ng Inter-Local Health Zone Boards at pagsasaayos ng Local Health System; paghirang sa Provincial Library bilang isa sa Top 5 Outstanding Children’s Service in the National Library of the Philippines; Disaster Mitigation and Preparedness particularly Quezon’s 2 in 1 na pagkilala mula sa Office of the National Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council; Most Outstanding Provincial Library of the Philippines; DENR / MGB Plaque of Recognition sa pagpapatupad ng Philippine Mining Act of 1995; Seal of Good Housekeeping para sa matapat at maayos na pamamahala sa lalawigan mula sa Department of Interior and Local Government; Bakas Parangal para sa Disaster Preparedness at tulong na ibinigay sa Antipolo at San Mateo Rizal noong 2012; at Adopt-A-School Program Award mula sa Department of Education (DepEd) para ipinatutupad na computer literacy program ng pamahalaang panlalawigan. (Reygan Mantilla - Quezon PIO)

 
 
BACK