Pagsasanay para sa Proteksyon ng mga Bata at Kababaihan, Isinagawa


 

2014-04-02

 

 

Nagsagawa ng unang bahagi ng pagsasanay para sa mga opisyal ng barangay ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni Sonia Leyson tungkol sa proteksyon sa mga bata at kababaihan noong April 1, 2014.

 

Ang pagsasanay na nilahukan ng 72 opisyal ng barangay mula sa bayan ng Real at Panukulan, Quezon ay tinawag na Provincewide Seminar for Barangay Officials on Community-Based Protection for Women and Children ay isinagawa sa Queen Margaret Hotel, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Sonia Leyson, Provincial Social Welfare and Development Officer, dahil sa dumadaming napapaulat na mga kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan ay pinag-aralan nila kung ano ang maaaring gawin para sa intervention at prevention.

 

Ayon pa kay Leyson na very alarming ang ulat ng PNP na No. 1 ang lalawigan ng Quezon sa Region IV-A o CALABARZON na may pinakaraming kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan.

 

Dahil dito, minabuti ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng PSWDO na imbitahan ang lahat ng opisyal ng barangay para mabigyan ng sapat na kaalaman at maturuan ng mga tamang paghahawak sa mga kaso na may kinalaman sa mga bata at kababaihan.

 

Umaasa naman si Leyson na pagkatapos ng pagsasanay na ito ay maa-activate ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) na dapat nasusubaybayan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at sa pamamagitan ng kanilang tanggapan ay tutulungan ang mga ito na mabuo ang BCPC.

 

Idinagdag pa ni Leyson na kabilang sa kalimitang hindi alam ng mga opisyal ng barangay ay ang tungkol sa Violence Against Women and Children (VAWC) at juvenile justice and welfare act na kabilang sa tinalakay sa pagsasanay. (Quezon PIO)

 
 
BACK