QNHS, May Bagong School Building Kaloob Ni Gov. Suarez


 

2014-06-02

 

 

Sa pagsisimula ng pasukan ngayong taon, bagong school building ang sumalubong sa mahigit siyam na libong mag-aaral ng Quezon National High School sa lungsod ng Lucena matapos isagawa ang blessing at turn-over ceremony ng 2-storey, 12 classroom school building.

 

Personal na pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang naturang aktibidad na nagkaloob ng naturang proyekto sa paaralan sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Edukasyon na nagkakahalaga ng P21,892,563.29.

 

Ayon kay Governor Suarez ang naturang gusali ang pinakamalaking school building sa buong lalawigan na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa mga paaralan.

 

Bukod sa pagkakaloob ng gusali, ipinangako din ng gobernador ang pagkakaloob ng mga bangko, lamesa at apat na electric fan bawat classroom sa bagong gusali upang maging komportable sa pag-aaral ang mga gagamit nito.

 

Inatasan na din ni Governor Suarez ang Provincial Engineering Office sa pamumuno ni Engr. Johnny Pasatiempo na puntahan ang silid-aklatan ng naturang paaralan upang tingnan ang maaaring gawin ng pamahalaang panlalawigan dito.

 

Ang atas na ito ng gobernador ay bunsod ng kahilingan ni Marvin Fuentes, Pangulo ng General Parents Teachers Association ng QNHS na tulungan silang maibalik sa ayos ang nasunog na silid-aklatan ng paaralan na agad namang tinugunan ng gobernador.

 

Ipinahayag din ng gobernador ang planong pagpapagawa pa ng karagdagang tatlong palapag na school building na paglalagyan ng computer laboratory ng paaralan na lalagyan ng 30 computer units, LCD projector at fully airconditioned.

 

Pare-pareho namang nagpahayag ng pasasalamat ang pamunuan ng paaralan at DepEd-Quezon sa pamumuno ni Schools Division Superintendent Tolentino Aquino, QNHS Principal na si Carolina Zaracena at Pangulo ng GPTA Marvin Fuentes.

 

Napakaswerte umano ng QNHS dahil walang sawang tumutulong at nagbibigay ng suporta si Governor Suarez sa naturang paaralan at sa buong DepEd-Quezon sa kabuuan.

 

Ipinangako naman ng principal na iingatan at aalagaan nilang mabuti ang naturang gusali upang mas marami pang makinabang na mga mag-aaral sa susunod na mga taon. (Reygan Mantilla, Quezon PIO)

 
 
BACK