2 Barangay sa Tayabas, Napagkalooban ng Water Supply System


 

2014-06-13

 

 

Dalawang barangay sa lungsod ng Tayabas ang napagkalooban ng water supply system project ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez matapos maisagawa ang turn-over ceremony nito noong ika-2 ng Hunyo, 2014.

 

Kasalukuyan ng napapakinabangan ng 114 pamilya ng Barangay Lalo at 464 pamilya ng Barangay Camaysa ang maayos na daloy ng tubig sa kanilang lugar matapos maisagawa ang pagsasaayos ng mga pinagmumulan ng tubig at mga pipeline.

 

Ayon kay Governor Suarez, batid niya ang pangangailangan ng maayos na daloy ng tubig sa mga barangay dahil isa sa malaking usapin ngayon sa buong bansa ay ang problema sa suplay ng tubig lalo na ngayong panahon ng tag-init.

 

Dagdag pa ng gobernador na importante na magkaroon ng maayos, malakas at malinis na daloy ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na isa sa tinututukan ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

 

Inatasan ng gobernador ang Provincial Engineering Office sa pamumuno ni Engr. Johnny Pasatiempo na gumawa ng pag-aaral para mas mapalakas pa ang daloy ng tubig sa mga lugar na ito.

 

Ipinahayag din ng gobernador na sa susunod na taon ay maglalaan naman ang pamahalaang panlalawigan ng pondo para sa filtration system ng mga water supply system para masigurong malinis at maaaring inumin ang mga tubig dito.

 

Ito umano ay para matiyak na hindi lamang may dumadaloy na tubig, matiyak din na malinis at ligtas inumin ang mga tubig para maiwasan ang pagkakasakit na kalimitan ay mga bata.

 

Nagkaloob din ng paunang tulong si Governor Suarez ng halagang isandaang libong piso (P100,000.00) sa Barangay Camaysa para sa mga kakailanganin pang tubo para mapakinabangan na nang barangay ang maayos at malakas na daloy ng tubig.

 

Ayon sa dalawang kapitan na sina Renato Mayor ng Brgy. Lalo at Carmelo Cabarrubias ng Brgy. Camaysa, hindi na mararanasan ng kanilang mga kabarangay ang mawalan ng tubig kaya naman lubos ang pasasalamat ng mga ito sa pamahalaang panlalawigan lalo’t higit kay Governor Suarez.

 

Samantala, nagkaroon din ng open forum sa dalawang barangay upang personal na idulog sa gobernador ang iba pang pangangailangan ng mga residente ng naturang barangay na agad namang binigyan ng aksyon ng gobernador. (Reygan Mantilla, Quezon PIO)

 
 
BACK