Refrigerated Van, Ipinagkaloob ni Gov. Suarez


 

2014-06-02

 

 

“Ito ang kauna-unahang refrigerated van na ibibigay ng pamahalaang panlalawigan

sa anumang bayan o anumang samahan”, ito ang naging pahayag ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa isinagawang pagbabasbas at inagurasyon ng refrigerated van sa basketball court sa harap ng San Luis Parish Church, Lucban, Quezon noong June 2, 2014.

 

Ang naturang refrigerated van ay ipagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa samahan ng Lukban Langgonisa Makers Association (LUKLAMA) sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Kabuhayan.

 

Ayon kay Governor Suarez, kilalang-kilala ang bayan ng Lucban hindi lamang sa Pahiyas Festival kundi maging sa langgonisang lukban na ang problema lamang kapag dinadala na ito sa merkado ay medyo bumababa ang quality nito dahil sa mahabang byahe.

 

“So we want to make sure ang mga langgonisang lukban pagdating sa Metro Manila ay malalasahan nila ang freshness, quality na parang dito ka namili sa bayan ng Lucban”, dagdag pa ng gobernador.

 

Dagdag pa ng gobernador na ang mga biyayang itinutulong ng pamahalaang panlalawigan sa mamamayan ay ang kanyang ipinangako na ibababa ang kapitolyo sa mga samahan, barangay, pamilya at sinumang indibidwal na nangangailangan ng tulong, suporta, proyekto at programa.

 

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Olivier Dator sa gobernador sa pagkakaloob ng naturang programa para sa mas ika-uunlad ng kabuhayan ng mga gumagawa ng langgonisang lukban, gayundin sa tulong at suportang patuloy na ipinagkakaloob sa bayan ng Lucban.

 

Ang LUKLAMA ay samahan ng mga gumagawa ng langgonisang lukban na nabuo noong November 2005 sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Lucban at Department of Trade and Industry – Quezon (DTI) at sa suporta ng Department of Science and Technology IV-A (DOST). (Reygan Mantilla, Quezon PIO)

 
 
BACK