Mga Batang Manlalarong Quezonian, Binigyang Pagkilala ni Gov. Suarez


 

2014-04-02

 

 

Kaalinsabay ng isinagawang blessing at turn-over ng bagong school building ng Quezon National High School ay binigyang pagkilala ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng pagbibigay ng Awards of Excellence sa mga batang manlalarong Quezonian na nagwagi sa Palarong Pambansa 2014 na isinagawa sa lalawigan ng Laguna noong May 4- 10, 2014.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang mga batang manlalarong ito ay maituturing na mga bagong bayani ng lalawigan ng Quezon dahil itinataguyod nila at dinadala ang pangalan ng Quezon sa ibang lalawigan para makipagkumpetensya sa iba’t ibang larangan ng pampalakasan.

 

Isa sa pumukaw-pansin sa gobernador ay ang isang tumanggap ng Award of Excellence na nagwagi ng gintong medalya sa paligsahan ng paglangoy na si Marco Tamisan.

 

Ayon kay Governor Suarez, isang inspirasyon sa lahat si Marco na sa kabila ng kalagayan ay hindi ito tumigil na makamit ang tagumpay.

 

Isinilang si Marco na wala ang ibang bahagi ng katawan mula hita hanggang paa at wala ang isang braso ay naging bahagi ng delegasyon ng lalawigan ng Quezon sa isinagawang palarong pambansa sa kategoryang special Olympics kung saan nakamit nya ang gintong medalya sa paligsahan ng paglangoy.

 

Si Marco ay labing-limang taong gulang at nasa ikalimang baitang sa Talipan Elementary School sa Pagbilao, Quezon.

 

Ayon kay Marco, sa kabila ng kanyang kapansanan ay naging inspirasyon niya ang pagmamahal, suporta at tiwala ng kanyang pamilya ay mga taong nakapaligid sa kanya.

 

Samantala, kabilang sa mga nabigyan ng award of excellence ng gobernador ay sina Patrick Gonio at Gerald Matas (Gold-Basketball), Kim Malabunga (Gold-Volleyball), Wilfredo Paleracio, Jr. (Gold-Athletics/Triple Jump at Silver-Athletics/Long Jump), Apple Macalla (Silver-Athletics/Javelin Throw), Joyce Ann Fuentes (Silver-Athletics /100m Hurdles), Gerald Lolo (Silver-Billiards), Cristel Jane Villar(Bronze-Arnis), Claudia Neil Rodriguez (Bronze-Gymnastics/RG Ball), Zay Louis Cajes (Bronze-Taekwondo/Welter Weight), Jolan Camacho (Special Olympics Gold-Goal Ball) at Regine Salcedo(Special Olympics Gold-Swimming)(Reygan Mantilla, Quezon PIO)

 
 
BACK