Problema sa Malinis na Tubig ng Alabat, Tinugunan ni Gov. Suarez


 

2014-05-19

 

 

Malapit nang magkaroon ng malakas na daloy ng malinis na tubig ang bayan ng Alabat matapos maisagawa ang groundbreaking ceremony ng Alabat Water Supply System na pinangunahan ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa Brgy. Camagong, Alabat, Quezon, kamakailan.

 

“Ang tubig ay buhay, kaya sa pagkakataong ito ang biyayang dala ni Governor Suarez ay buhay para sa mga kababayan natin dito sa bayan ng Alabat”, ito ang naging pahayag ni Mayor Fernando Mesa.

 

Ayon pa kay Mesa tinugunan kaagad ng gobernador ang kahilingan ng kanilang bayan na magkaroon ng maayos at malinis na daloy ng tubig na tatlong dekada ng problema ng Alabat.

 

Ayon naman kay Governor Suarez na tinugunan niya kaagad ang naturang kahilingan dahil nais niyang tuldukan ang tatlong dekada ng problema sa tubig ng naturang bayan sapagkat alam niya ang kahalagahan ng tubig sa isang bayan.

 

Idinagdag pa ng gobernador na ang isasagawang water supply system ay first phase pa lamang ng gagawing programa para sa patubig sa bayan ng Alabat at ang phase 2 ay ang expansion ng water supply and water source at paano mase-secure panggagalingan ng tubig.

 

Gayundin, ang pagpapalit ng linya ng tubig para magkaroon ng magandang daloy ng tubig at magkakaroon din ng treatment facility para masigurong malinis ang dadaloy na tubig sa mga kabahayan.

 

Ang water supply system sa bayan ng Alabat ay magkatuwang na proyekto ng pamahalaang panlalawigan at pamahalaang bayan ng Alabat na may kabuuang pondo na P9M kung saan ang P5M ay magmumula sa probinsya at ang P4M ay magmumula sa naturang bayan. (Quezon PIO)

 
 
BACK