Pagkontrol sa Cocolisap, Patuloy na Tinututukan ni Governor Suarez


 

2014-05-26

 

 

Ipinagbigay-alam ni Governor David C. Suarez sa mga mamamayan ng bayan ng Gumaca ang pagdalo nito sa isinagawang Senate Inquiry ng Senado tungkol sa problema ng Quezon at mga karatig-lalawigan sa pesteng kulisap na dumadapo sa mga niyog na tinawag na Cocolisap o Coco Scale Insect.

 

Ayon kay Governor Suarez na gumagawa na ng isang komprehensibong plano ang nasyonal na pamahalaan para masugpo ang mga pesteng kulisap at sa bahagi naman ng pamahalaang panlalawigan ay noon pang nakaraang taon nagsimulang kumilos ang probinsya sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA).

 

Agarang nagtayo ang OPA ng Biological Mass Rearing Station ng tinatawag na coccinelid bettle, isang mabisang kaaway na kulisap na ginagamit sa pagpuksa ng cocolisap.

 

Patuloy din ang pagsasagawa ng tanggapan ng mga pagtalakay at pagpapaliwanag sa mga bayang apektado ng tungkol sa cocolisap para magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga magsasaka sa problemang ito.

 

Gayundin, ang patuloy na pagkakaloob ng mga kagamitan sa mga apektadong lugar upang mapigilan ang paglaganap ng mga mapanirang insekto na dumadapo hindi lamang sa mga niyog maging sa mga halaman, mangosteen at iba pang bungang-kahoy.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist, ito ay pagpapatunay lamang na hindi tumitigil ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Suarez sa pagkilos upang tuluyang masolusyunan ang problema sa cocolisap.

 

Nagpasalamat naman ang gobernador dahil hindi masyadong apektado ang ika-apat na distrito ng lalawigan ng naturang kulisap na naminsala sa ilang bayan sa Quezon tulad ng San Antonio, Candelaria, Mauban at Tayabas.

 

Hiningi din ng gobernador ang pakikiisa at tulong ng lahat dahil bilang isang coconut producing province ang Quezon ay hindi siya papayag na mayroong isang bagay na makakasira sa pinagkakakitaan ng maraming Quezonian. (Quezon PIO)

 
 
BACK