Mga Natatanging Quezonian, Pararangalan


 

2014-08-12

 

 

Nakatakdang parangalan sa isasagawang Gawad Parangal ng Quezon Medalya ng Karangalan ang mga natatanging Quezonian sa ika-19 ng Agosto, 2014 kaugnay ng pagdiriwang ng ika-136 taong kaarawan ng yumaong Pangulong Manuel Luis Quezon sa Queen Margarette Hotel, Lungsod ng Lucena.

 

Ang mga pararangalan ay kinilala matapos aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong ika-4 ng Agosto ang Kapasiyahan Bilang 2014-2463, kapasiyahang nagkukumpirma sa labing-isang gagawaran ng Quezon Medalya ng Karangalan at dalawang special citation na napili ng Quezon Medalya ng Karangalan (QMK) LUpon ng Gawad Parangal.

 

Kabilang dito sina Dr. Cecilia Navasero Gascon (Education/Environment), Atty Dante Miguel Vendiola Cadiz (Law), Maria Pureza Hernandez Escaño (Culture and Arts), PSSupt. Elmo Francis Oco Sarona (Police Service), Juliana Mendoza-Cox (Public Service), Dir. Rebecca Villanueva Labit (Government Service/Tourism), Dr. Hilarion Talavera Salvaña (Education), Elenita Trinidad-De Manuel (Business Management/Entrepreneurship), Grace Urbien Salvatus (Education), Dante Audine Tiosan (Entrepreneurship) at Amado Torre Gurango (Public Service).

 

Special citation naman para sa St. Jude Multi-Purpose Cooperative (Cooperative) at Quezon Provincial Agricultural and Fishery Council (People’s Organization).

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, tunay na karapat-dapat kilalanin, pahalagahan, at ipagbunyi ng lalawigan ng Quezon ang mga nagkamit ng naturang medalya sapagkat hindi lamang sila nagpamalas ng natatangi at pambihirang kahusayan sa kanilang piniling propesyon at sektor na kinakatawan.

 

“Taglay rin nila ang mga hinahangaang katangian ng ating dating Pangulong Manuel Quezon tulad ng pagiging makatao, maparaan at masigasig na namumuhay ng may integridad at pagmamalasakit sa kapwa”, dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa dito na maipagmamalaki rin ang mga pararalangan na kahit nakatuntong man ang mga nagkamit ng QMK sa pinakamataas na tugatog ng kanilang tagumpay, nanatili silang mapagkumbaba dala-dala ang pangalan ng Lalawigan ng Quezon sa kanilang katanyagan. Sa halip na unahin ang kanilang sariling kapakanan at magpadala sa karangyaan at kasikatan, ginawa nilang kasangkapan ang kanilang pamamayagpag sa kanilang larangan para mas makapaglingkod sa ating bayan.

 

Ayon pa sa gobernador na sila ay nagsilbing mabuting huwaran sa bawat Quezonian para patuloy na magsumikap at magpunyagi upang magkaroon ng matagumpay, respetado, at marangal na pamumuhay.

 

Pinasalamatan din ng gobernador ang bumubuo sa Lupon ng QMK Gawad Parangal sa pamumuno ni Atty. Vicente Joyas sa isinagawang masusing pagsusuri sa mga nominado sa QMK ngayong taon.

 

“Nawa sa pamamagitan ng kolektibo nating pagtutulungan, makintal sa puso’t isipan ng ating mga kababayan na sila rin ay maaaring tanghalin at sumunod sa yapak ng mga pinarangalan ng Quezon Medalya ng Karangalan”, ayon pa sa gobernador.

 

Samantala, nakatakdang maging panauhing pandangal sa isasagawang Gawad Parangal si Senador Joseph Victor “JV” Ejercito Estrada. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK