Tatlong Opisyal ng AFP at PNP, Kinilala ng Quezon Prov’l Peace and Order Council


 

2014-03-11

 

 

Ginawaran ng Plake ng Pagkilala sa pangunguna ni Quezon Governor David “Jayjay” C. Suarez sina Brig. Gen. Alex Capiña, PC/Supt. Reuben Theodore Sindac at MGen. Eduardo Año para sa kanilang naging kontribusyon sa pananatili ng kapayapaan at kaayusan bilang miyembro ng Quezon Provincial  Peace and Order Council.

 

Ang naturang seremonya na dinaluhan ng mga alkalde, bise-alkalde at mga Hepe ng Pulisya ng bawat bayan at lungsod sa lalawigan kamakailan sa Bulwagang Kalilayan, Lungsod ng Lucena, kasabay ng regular na pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council.

 

Ayon sa gobernador, isa sa prayoridad ng kanyang administrasyon mula nang siya’y manungkulan noong taong 2010 ay mabago ang imahe ng lalawigan at mawala ang takot at pangamba ng mga mamumuhunan o investors na gustong pumasok sa ating probinsya.

 

“Kaya naman mula 2010 hanggang ngayong 2014, nakita natin ang malaking pagbabago sa peace and order situation sa ating probinsya. Natamo natin ang ganitong tagumpay dahil sa mga taong nagsilbing modelo sa atin, mga taong hinigitan pa ang kanilang mga tungkulin bilang mga pulis o sundalo para makapaglingkod sa ating lalawigan”, dagdag pa niya.

 

Sa kanyang pasasalamat sa pagtanggap ng naturang parangal, nabanggit ni PC/Supt. Sindac, kasalukuyang tagapagsalita at Hepe ng Public Information Office ng Philippine National Police (PNP) na simula noong 2013, na ¼ ng kanyang halos 34 taong karanasan sa serbisyo ay ginugol niya sa Quezon. Kabilang sa kanyang mga hinawakan na pwesto ang pagiging Hepe ng Lucena City Police Station (2005-2007), Candelaria Municpal Police Station (2001) at Intelligence and Investigation of the Quezon Police Provincial Office (2001-2005).

 

Matatandaan na sa bisa ng ipinasang Resolusyon bilang2014-2125 ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, idineklara si PC/Supt. Sindac bilang Adopted Son ng Lalawigan ng Quezon para sa kanyang marangal na serbisyo sa probinsya.

 

Aniya, “Sa wika nga ng matatanda, sino pa ba ang maglilingkod sa lalawigan ng buong kahusayan at kagalingan kung hindi ang mga may dugong taga-Quezon, ang mga may pusong taga-Quezon, at siyempre ang mga anak ng Quezon?”

 

 

Inaasahan din ni PC/Supt Sindac na sana maging inspirasyon din ang karangalan na kanyang natanggap sa kanyang mga kasamahang pulis na kahit ang iba sa kanila ay hindi likas na taga-Quezon, gampanan nila ang kanilang tungkulin nang buong puso at kagalingan at darating ang panahon sila rin ay pagkakalooban ng parangal.

 

Kabilang sa mga pinarangalan at binigyan ng pagpupugay ay si Brig. Gen Alex C Capiña, ang kasalukuyang Commander ng 201st Brigade (2nd Infantry Division), at MGen Eduardo M Año, Hepe ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

 

Isinulong ni Brigadier General Capiña ang pagsasakatuparan ng programa ng pamahalaan para sa kapayapaan sa pamamagitan ng proyektong PAMANA o Payapa at Masaganang Pamayanan na pinakinabangan ng mga bayan ng Mulanay, Catanauan, Buenavista, Unisan at San Narciso, Quezon.

 

Samantala, dahil sa maigting na anti-insurgency operations sa ilalim ni Major General Año ay naaresto ang tiniguriang isa sa pinakamataas na lider ng New People’s Army (NPA) na si Tirso Alcantara, alyas “Ka Bart,” noong ika-3 ng Enero, 2011 sa Brgy. Ibabang Iyam, Lungsod ng Lucena. (Quezon PIO)

 
 
BACK