Post Graduate Studies and Research Scholarship Program, Inilunsad


 

2014-03-11

 

 

Pormal nang inilunsad ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang Scholarship Program para sa Post Graduate Studies and Research sa ilalim pa ng programang Serbisyong Suarez sa Edukasyon noong kamakailan sa Bulwagang Kalilayan sa lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Governor Suarez ay taun-taon tumataas ang bilang ng scholars ng pamahalaang panlalawigan at ngayong taong ito ay makikinabang na din ang mga gurong nais magkaroon ng masteral degree na walang kakayahang pinansyal.

 

Idinagdag pa ng gobernador na mas pinalawig pa ang naturang programa sa pamamagitan ng pagbibigay din sa mga nais kumuha o maging social worker.

 

Sa panahong ito aniya ay kakaunti na ang mga social worker at kumukuha ng social studies kaya kinakailangan na mag-develop ng mga bagong social worker.

 

“Dahil habang patuloy na dumarami ang ating problema ay mas maraming issues ang dapat nating tugunan na may kinalaman sa social development hindi lamang ng mga bata pati na rin matatanda, mga senior citizen at maging ng buong mamamayan ng lalawigan”, dagdag pa ng gobernador.

 

Matatandaan na mula 560 mag-aaral noong 2010 ng simulang ipatupad ang scholarship program sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Edukasyon, sa kasalukuyan umabot na sa mahigit walong libong scholar mayroon ang lalawigan. (Quezon PIO)

 
 
BACK