Nutri-Juice Program (Season 4), Nagsimula na


 

2014-03-11

 

 

Limang libong (5,000) mag-aaral sa elementarya mula sa lalawigan ng Quezon ang makikinabang sa Nutri-Juice Program (Season 4), magkatuwang na programa ng pamahalaang panlalawigan, Coco-Cola Company Philippines at Department of Education matapos lagdaan ang memorandum of agreement (MOA) noong kamakailan sa Bulwagang Kalilayan, Lungsod ng Lucena.

 

Lumagda sa naturang kasunduan sina Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa bahagi ng pamahalaang panlalawigan at Atty. Adel Tamano, Vice-President for Public Affairs and Communications, Coca-Cola Far East Ltd. sa bahagi ng Coca-Cola Company Philippines.

 

Ayon kay Governor Suarez, nagsimula ang naturang programa sa lalawigan ng Quezon noong taong 2010 na may layuning masolusyunan ang problema sa mga pampublikong paaralan sa elementarya dahil sa malnutrisyon.

 

Ayon pa sa gobernador, ang naturang supplemental feeding program ay hindi katulad ng mga feeding program na isinasagawa lamang sa loob ng isang araw sapagkat ang programang ito ay isasagawa ng tuloy-tuloy sa loob ng 120 na araw.

 

Idinagdag pa niya na matapos makinabang ang mga piling mga mag-aaral sa elementarya ay makikitang mas tumangkad ang mga ito at bumaba ang bilang ng mga batang hindi pumapasok sa paaralan at tumaas din ang kanilang academic performance.

 

Ayon naman kay Atty. Tamano na patuloy na makikipagtulungan ang Coca-Cola Philippines sa pamahalaang panlalawigan para sa nutrition program na ipinatutupad nito sapagkat para maging matagumpay ang naturang programa ay kailangan ang patuloy na pagtutulungan ng business sector, government at civil society o non-government organization.

 

Nagpasalamat din si Tamano sa pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Suarez sa pakikipagtulungan sa kanila sa pagpapatupad ng naturang programa.

 

Sa kasalukuyan, 90% na sa 5,000 mga batang mag-aaral sa pampublikong paaralan sa lalawigan ang sumasailalim sa nutri-juice program at apat (4) na bayan na lamang sa lalawigan ng Quezon ang hindi pa kumpletong naipapamahagi ang programa – ang bayan ng Sariaya, Lucban, Tayabas at Catanauan.

 
 
BACK