National Tuberculosis Program Award, Nakamit ng Quezon


 

2014-03-11

 

 

Pinarangalan ng Department of Health (DOH) Center for Health Development CALABARZON ang Quezon Provincial Health Office o Integrated Provincial Health Office (IPHO) na pinamumunuan ni Dr. Agripino Tullas sa One Esplanade, SM Central Business Park, Pasay City.

 

Ayon kay Dr. Nestor Santiago, Jr., Director IV ng DOH Center for Health Development na ang award of excellence na ibinigay sa lalawigan ng Quezon ay dahil sa pagkakaroon nito ng pinakamataas na case detection rate sa buong rehiyon ng CALABARZON noong taong 2012 at sa walang tigil na pakikiisaat kontribusyon sa pagpapatupad ng National Tuberculosis Program.

 

Ang National Tuberculosis Program Award sa kategoryang Highest Case Detection Rate ay ipinagkakaloob base sa dami ng populasyon, case detection rate sa TB all forms ay kailangan at least 85% at may good treatment case holding bilang pagpapatunay sa Treatment Success Rate sa TB All Forms na at least 90% pataas at may good accomplishment sa External Quality Assessment (EQA) sa laboratory.

 

Bukod sa plake ay tumanggap din ang lalawigan ng Quezon ng halagang kalahating milyong piso (P500,000.00) na maaaring gamitin sa pagpapatupad ng National Tuberculosis Program ng pamahalaang panlalawigan.

 

Ipinatutupad ang naturang programa sa lalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Dr. Agripino Tullas, Integrated Provincial Health Officer katuwang sina Dr. Erlinda Plotria, Provincial TB Medical Coordinator; Randolfo Tolentino RN, Provincial TB Nurse Coordinator; at Carmelita Dequiro, RMT, Provincial TB Medical Technician Coordinator, sa ilalim ng pamamahala ni Quezon Governor David “Jay-jay” C. Suarez. (Quezon PIO)

 
 
BACK