Gov. Suarez, Hinirang na Outstanding Governor


 

2014-03-27

 

 

Nakatakdang tanggapin ni Governor David C. Suarez sa susunod na buwan ang Gawad Parangal na ipagkakaloob sa kanya ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines Incorporated (ALSWDOPI).

 

Ito ay matapos na mahirang ang gobernador bilang 2013 Most Outstanding Governor sa buong bansa sa larangan ng local social welfare and development.

 

Kabilang sa mga naging basehan ng asosasyon ay ang mga programa ng gobernador para sa kapakanan ng mga kabataan, mga nakatatanda, may mga kapansanan at ang mga ginawa nitong pagtulong sa mga naging biktima ng kalamidad hindi lamang sa kanyang mga kababayan kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa kasama na ang mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa bahagi ng Visayas Region.

 

Pero ang higit na ipinagmamalaki ni Suarez ay ang kanyang programa sa edukasyon kabilang na rito ang pagpapatayo ng mga day care center, computer laboratory, at ang supplemental feeding.

 

Isa pa sa ipinagmalaki nito sa Association of Social Workers ay ang ginawang pagkilala ng Department of Interior and Local Government sa lalawigan sa pamamagitan ng Galing Pook Award para sa programang Lingap Kalusugan para sa Barangay o Health Coupon na tinatayang mahigit isandaang libong katao na ang nabiyayaan nito.

 

Bukod kay Suarez, nagmula din sa lalawigan ng Quezon ang Most Outstanding Municipal Mayor sa larangan din ng local social welfare and development na nakamit ni Mayor Isaias “Sonny” Ubana II ng bayan ng Lopez at Most Outstanding Municipal Social Welfare and Development Officer na nakamit ni Anibel Cayabat ng Buenavista, Quezon.

 

Ang pagtanggap ng gawad parangal ay gagawin sa 18th National Social Welfare and Development Forum and General Assembly ng samahan sa April 22-25 ng kasalukuyang taon sa Sarabia Manor and Convention Center ng lungsod ng Iloilo.

 

Ito na ang ikalawang karangalan na inani ng Quezon mula sa ALSWDOPI. Matatandaan na itinanghal ang hepe ng PSWDO - Quezon na si Sonia Leyson bilang 2011 Most Outstanding Provincial Social Welfare and Development Officer of the Philippines.

 

Sa nakalipas na buwan at taon ay sunud-sunod na tumanggap ang lalawigan ng Quezon at si Governor Suarez ng mga parangal mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng National Tuberculosis Program Award sa pagiging Highest Case Detection Rate in Region IV-A mula sa Department of Health (DOH), gayundin ang pagkilala ng DOH sa pagpapalakas ng Inter-Local Health Zone Boards at pagsasaayos ng Local Health System; paghirang sa Provincial Library bilang isa sa Top 5 Outstanding Children’s Service in the National Library of the Philippines; Disaster Mitigation and Preparedness particularly Quezon’s 2 in 1 na pagkilala mula sa Office of the National Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council; Most Outstanding Provincial Library of the Philippines; DENR / MGB Plaque of Recognition sa pagpapatupad ng Philippine Mining Act of 1995; Seal of Good Housekeeping para sa matapat at maayos na pamamahala sa lalawigan mula sa Department of Interior and Local Government; Bakas Parangal para sa Disaster Preparedness at tulong na ibinigay sa Antipolo at San Mateo Rizal noong 2012; at Adopt-A-School Program Award mula sa Department of Education (DepEd) para ipinatutupad na computer literacy program ng pamahalaang panlalawigan. (Quezon PIO)

 
 
BACK