Emergency First-Aid at Basic Life Support, Isinagawa


 

2014-03-13

 

 

Sumailalim sa apat na araw na pagsasanay sa emergency first-aid at basic life support ang mga 3rd year nursing student ng Southern Luzon State University (SLSU) na isinagawa sa College of Allied Medicine, SLSU, Lucban, Quezon, kamakailan.

 

Sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamamagitan nina Niel Parco at Raissa Racoma na nagsilbing tagapagsanay ay itinuro sa mga mag-aaral ang iba’t ibang bandaging technique, patient / casualty handling, rescue breathing at cardio pulmonary resuscitation.

 

Ayon kay Niel Parco, malaking bagay para sa mga mag-aaral ang kaalaman at kakayahang matututunan ng mga ito sapagkat maaari nila itong magamit kapag nagtatrabaho na sa mga ospital.

 

Layunin din nito na maging handa ang mga mag-aaral sa anumang sakuna at aksidenteng maaaring maganap sa kani-kanilang komunidad at makapagbigay ng tulong sa mga maapektuhan.

 

Inaasahan din ni Parco na hindi magamit ang mga natutunan sapagkat kapag ito ay nagamit ibig sabihin lamang na may naganap na sakuna o aksidente. Pero hiniling nito na patuloy na magsanay at dagdagan pa ang kaalaman tungkol sa pagsagip ng buhay.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng walumpu’t apat na mag-aaral sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagbibigay sa kanila ng kaalaman at kakayahan na magagamit nila sa kanilang pagsasanay sa St. Luke’s Medical Center. (Quezon PIO)

 
 
BACK