Search Operation Isinasagawa sa Bundok Banahaw Matapos ang Sunog


 

2014-03-20

 

 

Kasalukuyan ngayong nagsasagawa ng search operation ang mga miyembro ng Mountain Search and Rescue Team mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mga Municipal DisasterRisk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng bayan ng Sariaya at Tiaong at volunteer group na Ugnayan ng Mamumundok ng Banahaw.

 

Ang isinasagawang search ay bunsod sa inisyal na ulat ng Protected Area Management Board (PAMB) na may 10 – 20 mananampalataya ang umakyat ng Bundok Banahaw ng walang pahintulot na posibleng naging dahilan umano ng pagkakaroon ng grass fire sa bahagi ng Bundok Banahaw na kung tawagin ay “Durungawan”.

 

Bago umakyat ang grupo, nagsagawa muna ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Protected Area Management Board (PAMB) at Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) sa tulong ng Southern Luzon Command (SOLCOM) at Bureau of Fire Protection ng aerial surveillance upang matukoy ang lawak ng naging pinsala sa bundok.

 

Base sa ulat, bandang alas-doseng tanghali ay humupa na ang apoy subalit makikitaan pa rin ito ng pag-usok at tinatayang limampung (50) ektarya ang nasunog sa naturang bahagi ng bundok.

 

Ayon kay Adrian Castillo, head ng Search and Rescue team ng PDRRMO, kaagad na umaksyon ang kanilang grupo sa atas ni Dr. Henry Buzar, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer upang matukoy kung may mga tao pa sa taas ng bundok at masiguro ang kaligtasan ng mga ito.

 

Ayon kay Magtanggol Barrion, Forest Ranger na nakatalaga sa bayan ng Dolores na may mga natanggap silang ulat na may isang grupo ng mananampalataya ang umakyat sa mataas na bahagi ng nasabing bundok noong Lunes kahit ito ay ipinagbabawal.

 

Base sa kanilang report na natanggap mula sa 740 combat group ng Philippine Air Force na nagmula ang apoy sa isang kandila na naiwang buhay ng nasabing mananampalataya sa naturang bundok.

 

Iniimbestigan ngayon ng tanggapan ng DENR at Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape - Protected Area Management Board (MBSCPL-PAMB) sa pamamagitan ng Protected Area Superintendent (PASu) Office sa pangunguna ni PASu Salud Pangan kung sinong grupo o tao ang responsable sa naturang sunog.

 

HInala nila, maaaring isa sa mga grupo na humihingi sa kanila ng permiso upang maka-akyat sa Durungawan na hindi niya pinayagan subalit maaaring pumasok pa rin ito at sa ibang lagusan dumaan.

 

Matatandaan na may moratorium o sarado ang bahagi ng nasabing lugar sa publiko batay sa resolusyon na ipinasa ng PAMB noong Pebrero ng taong 2012 ng karagdagang tatlong taong closure order.

 

Taong 2009 ng maipasa ang Republic Act No. 9847 o An Act Establishing Mounts Banahaw and San Cristobal in the Provinces of Laguna and Quezon as a Protected Area under the Category of Protected Landscape, Providing for its Management and for other Purposes." At batay sa batas na ito ay may kaukulang multa o pagkakulong ng isang taon hanggang anim na taon ang paglabag sa mga regulasyon ng PAMB. Isa ring paglabag sa nasabing batas ay pagsasagawa ng kaingin o anumang gawain na magdudulot o magiging dahilan ng forest fire sa loob ng MBSCPL. (Quezon PIO)

 
 
BACK