1st Quezon Native Swine Stakeholders' Forum and Workshop, Isinagawa


 

2014-08-08

 

 


Upang mapanumbalik at muling mapalakas ang industriya ng mga native na baboy sa lalawigan ng Quezon ay isinagawa ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office ang kauna-unahang Quezon Native Swine Stakeholders’ Forum and Workshop noong August 7, 2014 sa Queen Margarette Hotel sa Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Provincial Administrator Rommel Edano na naging kinatawan ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez, dapat ay maiwasan at mawala na ang diskriminasyon sa kulay ng baboy na itim at puti.

 

Sa lalawigan ng Quezon ay isusulong ni Governor Suarez sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Paghahayupan ang programa upang maparami ang native o katutubong baboy at maipakalat ang impormasyon sa mga magsasaka tungkol sa kahalagahan ng mga ito.

 

Ayon naman kay Dr. Flomella Caguicla, Provincial Veterinarian, ang pag-aalaga ng mga native na baboy ay isang magandang alternatibong pagkakakitaan ng mga magsasaka. Madali ding alagaan at mas mababa ang presyo ng pagkain, inihalimbawa din nito na ang puno ng San Fernando na gabi ay isang magandang pagkain ng mga baboy na may katumbas na bitamina tulad ng mais.

 

Sa paliwanag naman ni Dr. Rene Santiago, DA-BAI-NSPRDC, kung ikukumpara ang mga native na baboy sa commercial base sa kanilang pag-aaral, ang mga katutubong baboy ay mas matibay ang resistensya, mas mababa ang cholesterol at mas masarap ang lasa.

 

Natuwa naman si William Chua, Pangulo ng La Loma Lechoneros Inc. at may-ari ng Ping Pings Native Lechon sa Quezon City. Ayon dito, mas sisigla ang kanilang hanapbuhay at hihikayatin din niya ang kanyang mga kasapi na ang gamiting karne ay ang katutubong baboy.

 

Noong lumalaki aniya ang kanilang negosyo ay nangangamba sila na mabilis ding maubos ang mga native na baboy at muli naman silang nabuhayan ng loob ng mabalitaan ang programa ng Quezon sa pangunguna ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez na muling pararamihin at bubuhayin ang mga native na baboy.

 

Dagdag pa nito na sa kanilang lugar sa kasalukuyan ay nakapagbebenta sila ng 100-200 piraso ng lechon sa loob lamang ng isang araw at mas mataas kung may mga okasyon partikular kung pasko.

 

Base sa datos ng Provincial Veterinary Office, umaabot sa tinatayang 70,000 ang native na baboy sa buong lalawigan ng Quezon kung saan ang pitong bayan na may pinakamaraming native na baboy ay Lopez (14,702), San Andres (13,520), San Francisco (12,971), Mulanay (7,824), Catanauan (7,575), General Luna (5,295) at San Narciso (1,822).

 

Ang naturang forum at workshop ay naisagawa sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office, Agricultural System Cluster - College of Agriculture of UP Los Banos, Department of Agriculture – Bureau of Agricultural Research at University of the Philippines Foundation Inc. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK