5-Storey School Building, Itatayo sa SLSU


 

2014-08-07

 

 

Pinangunahan ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang groundbreaking ceremony ng itatayong limang palapag na gusali ng College of Business Administration (CBA) sa Southern Luzon State University (SLSU) kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-50 taong pagkakatatag ng naturang paaralan noong August 5, 2014.

 

Ayon kay Dr. Cecilia Gascon, SLSU President, ang naturang gusali ay matagal ng pinapangarap ng unibersidad at natagalan ang pagpapagawa nito dahil kinailangan pang ipunin ang pondo para dito.

 

"Sa sobra pong tipid, sa sobrang kuripot ng inyong lingkod, kailangan nating siguraduhing bawat sentimo na ating ilalagay, ating gagastusin sa ating building ay accounted for, so gumawa tayo ng plano, pinipilit magkasya ang ating limited resources", pahayag ni Gascon.

 

Gayundin, tumagal ang bidding process sa naturang proyekto dahil walang gustong tumanggap sa presyong inilaan ng paaralan.

 

Ayon pa kay Gascon na sisimulan ang CBA Bldg. bago matapos ang buwan ng Agosto at sa susunod na taon ay muling maglalaan ng kaukulang pondo para matapos ang limang palapag na gusali na mayroon elevator.

 

Ayon naman kay Governor Suarez, ang itatayong gusali ay simbolo ng sama-samang pagkilos mula sa pamumuno ni Dr. Gascon, mga opisyal ng paaralan, mga guro at mga mag-aaral.

 

"Dito ko natutunan sa SLSU na dapat pati mga estudyante ay maging bahagi sa pagpapaganda ng isang paaralan o ng isang institusyon, kayo ang nagbubuhay at nagpapa-unlad ng inyong paaralan", dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, ipinahayag naman ng gobernador ang isa sa pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na makakatulong sa mga mag-aaral pagkatapos ng kolehiyo, ito ay ang planong pagpapatayo ng Special Economic Zone sa lalawigan ng Quezon na magkapagbibigay ng maraming trabaho. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)



 
 
BACK