7,000 BHW sa Quezon, Nagtipon-Tipon


 

2014-08-06

 

 


Tinatayang nasa pitong libong Barangay Health Workers (BHW) mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon ang dumalo sa taunang Barangay Health Workers’ Convention noong Miyerkules, August 6, 2014 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

 

Naging panauhing tagapagsalita si Dr. Jaime Galvez-Tan, dating Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan na nagbigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga herbal medicinal plant na maaaring pagkakitaan ng mga barangay health worker.

 

Sa naging mensahe naman ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez, ito ang dahilan kung bakit si Dr. Jaime Galvez-Tan ang naging tagapagsalita para mabigyan ng oportunidad ang bawat isa na mag-develop ng panibagong livelihood sa tulong ng mga herbal medicinal plant.

 

Gayundin, upang mabuksan ang isipan tungkol sa kahalagahan nito sa buhay lalo’t higit sa mga BHW na frontliner sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan ng pamahalaang panlalawigan sa Quezon at paggamit ng herbal medicinal plant bilang alternatibong panggamot.

 

"Bababa ang pamahalaang panlalawigan sa mga bara-barangay, tuturuan ang mga magsasaka sa kahalagahan ng herbal medicinal plant at sana ang mga BHW ay maging bahagi din sa pagkukumbinsi sa mga kapitan na isa din ito sa pwedeng pagkakitaan at ma-develop sa bara-barangay", dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, binigyang pansin ni Governor Suarez ang nakikita nitong problema sa mga BHW, ito ay ang kawalan ng continuity ng programa dahil sa pagpapalit ng mga BHW pagkatapos ng barangay election.

 

"Ang problema natin pagkatapos ng election, iba na ang kapitan, mababago na naman ang BHW, nawawala yung continuity, naaapektuhan ang health sector; kailangan nating pag-aralan ang polisiya, gumawa ng konkretong polisiya dahil ang hinahabol natin dito ay maiangat ang kalidad ng kalusugan sa lalawigan ng Quezon", dagdag pa ng gobernador.

 

Bukod dito, tinalakay din sa naturang convention ang mga bagong programa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon at ang gagampanan ng mga BHW sa pagpapatupad nito upang maging malusog ang bawat mamamayan at maiwasan ang pagkakasakit.

 

Samantala, naging tampok ng programa ang pagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Suarez ng nebulizer sa bawat barangay sa lalawigan ng Quezon at pagbibigay ng kabuuang 4.9 milyong piso bilang cash incentive at bagong t-shirt uniform sa lahat ng Barangay Health Worker. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)



 
 
BACK