Provincial Development Council Meeting, Isinagawa


 

2014-08-04

 

 

Matapos ang pananalasa ng bagyong Glenda sa buong lalawigan ng Quezon, nagpatawag ng pagpupulong si Governor David "Jay-Jay" C. Suarez sa mga miyembro ng Provincial Development Council at lahat ng mayor sa lalawigan sa Bulwagang Kalilayan ng pamahalaang panlalawigan noong July 30, 2014.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang pagpupulong ay para matalakay ang kabuuang pinsala sa buong lalawigan ng Quezon ng bagyong Glenda, mga ipatutupad na rehabilitation program ng pamahalaang panlalawigan at kasalukuyang kalagayan ng Cocolisap sa lalawigan.

 

Base sa naging pag-uulat ni Dr. Henry Buzar, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer as of July 30, 2014 partial report ay tinatayang mahigit 1.5 bilyong piso ang naging pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa buong lalawigan ng Quezon.

 

"Maibalik kaagad natin in the fastest way ang economic activities ng mga bayan-bayan considering sa report ng Agriculture na malaking porsyento ng crops natin ay wiped out, yung recovery at rehabilitation ay dapat mabilis sa ating lahat", ayon pa sa gobernador.

 

Sa pamamagitan ng mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, ipatutupad ang iba’t ibang programa tulad ng food for work at cash for work, emergency shelter assistance at Self-Employment Assistance- Kaunlaran (SEA-K) Livelihood Assistance.

 

Iminungkahi naman ng gobernador ang pagpapatupad ng core housing project sa bawat bayan na proyektong ipinatutupad ng DSWD katuwang ang pamahalaang panlalawigan at pamahalaang bayan.

 

Inihalimbawa ng gobernador ang core housing project sa bayan ng Mauban na iniulat ni Mayor Dingdong Llamas na wala man lang naging pinsala sa naturang mga bahay sa kabila ng malakas na hangin.

 

Hiniling din ng gobernador ang pagpasa ng Provincial Development Council ng isang resolusyon na humihiling ng ayuda mula sa Department of Education (DepEd) para maisaayos kaagad ang mga paaralan na mga batang mag-aaral ang lubos na maapektuhan ngayong panahon ng tag-ulan.

 

Gayundin, pinababantayan ni Governor Suarez ang status ng potable water upang maiwasan ang pagkakawoon ng health disaster, magkaroon ng breakout ng epidemya tulad ng cholera at iba pang sakit sanhi ng maduming tubig.

 

Iminungkahi naman ni Mayor Shierre Ann Palicpic ng bayan ng Pagbilao ang pagpapatupad ng sharing of resources scheme sa panahon ng kalamidad kung saan maaaring magamit ng isang bayan ang resources ng ibang bayan tulad ng manpower at equipment.

 

Lahat naman ng punong bayan na dumalo sa naturang pagpupulong ay nagbahagi ng kani-kanilang naging karanasan simula sa paghahanda hanggang sa makaalis ang bagyong Glenda.

 

Samanatala, base sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) umabot sa 167,698 na pamilya, 746,835 na indibidwal o 42% ng kabuuang populasyon ng lalawigan ng Quezon ang naapektuhan ng bagyong Glenda.

 

Umabot naman sa 33,720 ang totally damaged at 140,585 partially damaged na kabahayan kung saan 38.7% nito ay matatagpuan sa mga coastal barangay sa lalawigan. 29 naman ang naitalang namatay at 238 ang sugatan.  (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK