Bayanihan sa Paaralan, Isinagawa sa Lalawigan ng Quezon


 

2014-07-24

 

 

Makaraan ang isang linggo matapos manalasa ng bagyong Glenda sa lalawigan ng Quezon, pinangunahan ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang Bayanihan sa Paaralan na sabay-sabay isinagawa sa mga pampublikong paaralan sa buong lalawigan ng Quezon kahapon, July 23, 2014.

 

Si Governor Suarez kasama ang ilang opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan ay tumulong sa paglilinis ng Paaralang Elementarya ng Don Eulogio Capino sa bayan ng Dolores samantalang ang iba pang mga opisyal at kawani ay tumulong sa paglilinis sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan ng Quezon.

 

Ang Bayanihan sa Paaralan ay isang clearing and clean-up operation sa lahat ng pampublikong paaralan kabilang ang mga day care center sa buong lalawigan ng Quezon sa atas ni Governor Suarez sa pamamagitan ng Executive Order No. 08.

 

Base sa naturang executive order, inaatasan ni Governor Suarez ang lahat ng mga punong lungsod at bayan, kapitan ng barangay, district supervisor at principal sa lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya na makiisa sa isasagawang Bayanihan sa Paaralan.

 

Ayon kay Governor Suarez, layunin ng pagsasagawa ng naturang gawain ay para masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral na nasa pampublikong mga paaralan sa lalawigan ng Quezon at magamit na ang naturang mga paaralan.

 

Kinikilala ng pamahalaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagbubuo ng isang bansa at kinakailangang i-promote protektahan ang kanilang pisikal, moral, ispirituwal, intelektuwal at panlipunang kagalingan ng mga ito.

 

Ang lokal na pamahalaan ay inaatasan na magbigay ng maximum care, tulong at serbisyo sa bawat indibidwal at pamilya na naapektuhan ng kalamidad, ipatupad ang emergency rehabilitation projects para mabawasan ang epekto ng kalamidad at maibalik sa normal ang panlipunan at pang-ekonomiyang mg gawain.

 

Hinikayat din ng gobernador ang lahat ng mga kapitan ng barangay kasama ang kanilang sangguniang barangay na manguna at magsagawa ng iba pang gawain upang maging malinis at ligtas ang kani-kanilang nasasakupang komunidad.

 

Ang lalawigan ng Quezon ay isa sa mga lalawigan na direktang tinamaan ang bagyong Glenda noong July 15, 2014.

 

Maraming mga establisimyento, kabilang ang mga pribado at pampublikong paaralan at mga kabahayan ang nawasak. Dagdag pa dito ang napakaraming bumagsak na mga puno, poste ng kuryente at mga basurang nagkalat kung saan-saan upang ang mga pangunahing kalsada sa lalawigan ng Quezon ay hindi ligtas sa mga mamamayan lalo't higit sa mga mag-aaral. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 
 
BACK