Relief Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan, Tuloy-Tuloy


 

2014-07-24

 

 

Patuloy ang isinasagawang relief caravan o pamamahagi ng mga relief packs ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Glenda sa iba’t ibang bayan sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Sa kasalukuyan, umabot na sa kabuuang 49,719 family food packs ang naipamahagi sa tatlumpu’t isang (31) bayan at dalawnag (2) lungsod sa lalawigan ng Quezon.

 

Noong Lunes, July 21, pinuntahan ng grupo ng gobernador ang mga bayan sa unang distrito ng lalawigan kabilang ang bayan ng Mauban, Sampaloc, Lucban, Pagbilao at lungsod ng Tayabas.

 

Kahapon, July 23, napagkalooban naman ang bayan ng San Antonio, Tiaong, Dolores, Candelaria at Sariaya. Samantalang ang lungsod ng Lucena ay napagkalooban noong linggo.

 

Ngayong araw ng Huwebes, July 24, pinuntahan naman ng grupo ng gobernador ang islang bayan ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon.

 

Ayon kay Governor Suarez, personal niyang pinupuntahan ang bawat bayan sa lalawigan ng Quezon pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Glenda sa lalawigan ay upang kamustahin ang kalagayan ng mga naninirahan dito at personal na makita ang pinsalang dulot ng bagyo sa bawat bayan.

 

Hinihiling ng gobernador sa bawat bayan na puntahan nito ang pakikiisa ng lahat sa paglilinis ng kani-kanilang barangay, pagtatanggal ng mga nakakalat sa mga daan para mas mabilis makarating ang mga tulong na dadalhin sa kanilang lugar.

 

Ayon pa sa gobernador, bukod sa pamamahagi ng mga relief packs ay kasunod na ipagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan ay mga construction materials tulad ng yero, plywood, pako at iba pa sa mga totally damaged ang mga bahay at sobrang hirap sa buhay na walang kakayahang maipagawa ang kanilang kabahayan.

 

Pinag-aaralan na din ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office ang pagpapatupad ng mga livelihood projects tulad ng cash-for-work at food-for-work program.

 

Sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) as of July 23, 6:00pm, umabot sa 950 barangay mula sa tatlumpu’t apat (34) na bayan, dalawang (2) lungsod.

 

Umabot naman sa 162,479 pamilya at 719,726 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Glenda. Samantalang, 32,469 ang totally damaged at 136,647 ang partially damaged na mga bahay, 28 ang namatay at 236 ang sugatan ang napatala sa buong lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK