"Babangon Tayo, Kaya Natin Ito" - Gov. Suarez


 

2014-07-21

 

 

"Inspire everybody, inspire more people, live volunteerism, live bayanihan and I can make sure in a few days everybody will follow the lead of Quezon Province towards Babangon Tayo, Kaya Natin Ito", ito ang bahagi ng naging mensahe ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa isinagawang regular Monday flag ceremony.

 

Ayon pa sa gobernador na hindi lamang tungkulin ng isang gobernador at ng mga pinuno ng bawat tanggapan ang muling pagsasaayos ng lalawigan, sa maliit na pamamaraan ay makakatulong ang bawat kawani sa pagbangon dahil bilang pamahalaang panlalawigan ng Quezon, bilang pinakamataas na yunit ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ay tungkulin ng bawat isa na makatulong.

 

"The provincial government, the government that is supposed to manage, to provide assistance and hope to these municipalities, and I think itong nakalipas na apat na araw ay naging maayos, maganda ang immediate response ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon", dagdag pa ng gobernador.

 

Sa nakalipas na apat na araw na pamamahagi ay umabot na sa 23,800 family food packs ang naipamahagi sa labingsiyam (19) na bayan sa lalawigan ng Quezon na naapektuhan ng bagyong Glenda.

 

Samantala, pinasalamatan at kinilala ni Governor Suarez ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan na tumatrabaho, nagsasakripisyo, nagpapakapuyat simula ng paghahanda hanggang sa pamamahagi ng mga relief packs at patuloy na paglalaan ng oras sa pagre-repack na isinasagawa sa Quezon Convention Center kahit sila ay biktima din ng bagyo.

 

Sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) as of July 21, 12:00nn, umabot sa tatlumpu't apat (34) na bayan, dalawang (2) lungsod, 874 barangay, 135,334 pamilya at 595,013 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Glenda.

 

Umabot naman sa 25,736 ang totally damaged at 107,969 ang partially damaged na mga bahay, 27 ang namatay at 106 ang sugatan sa buong lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK