Relief Caravan Sa Buong Lalawigan ng Quezon, Patuloy


 

2014-07-21

 

 

Patuloy ang isinasagawang relief caravan o pamamahagi ng mga relief packs ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Glenda sa iba't ibang bayan sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Sa apat na araw na pamamahagi simula noong Huwebes, July 17 hanggang Linggo, July 20, umabot na sa 23,800 family food packs ang naipamahagi sa labingsiyam (19) na bayan sa lalawigan ng Quezon, ang bayan ng Gumaca, Unisan, Plaridel, Atimonan, Padre Burgos, Agdangan, Pitogo, Macalelon, General Luna, Catanauan, Lopez, Calauag, Guinayangan, Tagkawayan, Mulanay, San Francisco, San Narciso, San Andres at Buenavista.

 

Ayon kay Governor Suarez, dumaan man sa peligrosong karanasa ang lalawigan ng Quezon ang mahalaga sa ating lahat tayo ay buhay at malakas ang pangangatawan at binibigyan tayo ng pagkakataon na bumangon, ibalik ang dating buhay at maiangat pa ang pamumuhay ng bawat pamilya.

 

"Ang mahalaga sa ating lahat, bagama't tayo ay dumadaan sa nakahirap at pagsubok ay tumulong tayo sa bayan natin, linisin natin ang lansangan, ayusin natin ang kalat at ibalik ang dating ganda ng bawat bayan", dagdag pa ng gobernador.

 

Inatasan na din ng gobernador ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng bawat bayan na bilisan ang paglilista ng mga nasiraan ng bahay para sa susunod na pagbabalik sa bawat bayan ng pamahalaang panlalawigan ay mga construction materials naman ang ipagkakaloob tulad ng yero, plywood, pako at martilyo para mabilis na maisaayos ang mga tahanan.

 

Nagpasalamat din si Governor Suarez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IV-A sa pamumuno na Dir. Leticia Diokno sa mabilis na pag-aksyon at nakapagpadala agad ng 2,000 family food packs at personal na binisita ang ilang bayan sa ikatlo at ikaapat na distrito.

 

Bukod sa rehabilitasyon ng mga bahay, nakikipag-ugnayan na din ang pamahalaang panlalawigan sa DSWD upang makapagpatupad ng mga livelihood projects tulad ng cash-for-work at food-for-work program.

 

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang repacking ng mga relief goods sa Quezon Convention Center. Patuloy din ang isinasagawang pangangalap ng mga donasyon ng pamahalaang panlalawigan.

 

Sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) as of July 21, 12:00nn, umabot sa tatlumpu't apat (34) na bayan, dalawang (2) lungsod, 874 barangay, 135,334 pamilya at 595,013 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Glenda.

 

Umabot naman sa 25,736 ang totally damaged at 107,969 ang partially damaged na mga bahay, 27 ang namatay at 106 ang sugatan sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Ngayong araw ng Lunes, July 21, magtutungo ang relief caravan na pinangungunahan ni Governor Suarez sa ilang bayan sa unang ditrito ng lalawigan ng Quezon kabilang ang Mauban, Sampaloc, Lucban, Tayabas at Pagbilao. Bukas naman, July 22, sa mga bayan sa ikalawang distrito ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK