Lalawigan ng Quezon, Handa na sa Bagyong Glenda


 

2014-07-15

 

 

Idineklara nang walang pasok ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan sa buong lalawigan ng Quezon matapos mapasama ang Quezon sa Storm Signal No. 2  ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

 

Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, as of 5:00 ng umaga ngayong araw, "at 4:00AM today, the eye of Typhoon "Glenda" was located based on all available data at 270 km East of Legaspi City (12.7ºN, 126.4ºE) with maximum sustained winds of 120 kph and gustiness of up 140 kph. It is forecast to move west at 20 kph."

 

Nauna nang nagpatawag ng emergency meeting si Governor Suarez kahapon sa lahat ng miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang masiguro ang kahandaan ng lalawigan ng Quezon sa posibleng pagdaan ng bagyong Glenda.

 

Sa naturang pulong, inatasan ni Governor Suarez ang PDRRMO sa pamumuno ni Dr. Henry Buzar na siguraduhing naka-full alert ang lahat kabilang ang mga municipal disaster risk reduction and management council sa lahat ng bayan.

 

Inatasan din ng gobernador ang Philippine Coast Guard ang pagbabawal sa pagbyahe sa karagatan hanggang masiguro na wala na ang bagyo at ligtas ng bumiyahe. Pinagbabawalan din ang pagpalaot ng mga mangingisda.

 

Pinaalalahanan din ang lahat ng mga naninirahan malapit sa karagatan na mag-ingat sa posibleng storm surges. Gayundin, ang mga naninirahan malapit sa mga landslide-prone area sa posibleng pagguho ng mga lupa.

 

Ayon kay Dr. Henry Buzar, PDRRM Officer, walong bayan sa lalawigan ng Quezon ang posibleng makaranas ng storm surge, ito ay ang bayan ng Gumaca, Guinayangan, Plaridel, San Narciso, Atimonan, Buenavista, Calauag at Quezon, Quezon.

 

Base naman sa ulat ng Quezon PNP Maritime, as of 8:00am ay 102 pasahero at 12 barko ang stranded ngayon sa Talao-Talao Port, Lungsod ng Lucena.(Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK