Maubanog Festival 2014, Nagsimula Na


 

2014-07-11 11:46:30

 

 

Pinangunahan ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang pagsisimula ng isang linggong pagdiriwang ng Maubanog Festival 2014 sa bayan ng Mauban noong July 9, 2014.

 

Ayon kay Governor Suarez, napakahalaga ng ganitong mga programa sapagkat naipapakita hindi lamang sakripisyo at hirap ng mga magsasaka at mangingisda, naipapakita din dito ang yaman ng kultura at sining ng isang bayan, gayundin ang katangian ng pagkatao nito.

 

Ayon naman kay Mayor Fernando "Dingdong" Llamas, layunin ng naturang pagdiriwang na ipakilala ang mga produkto ng bayan ng Mauban at upang bigyan ng pagkakataon ang mga negosyante na magamit at mabenta ang kanilang mga produkto. Gayundin, upang mai-promote ang bayan ng Mauban para puntahan ng mga turista.

 

Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay "Pasasalamat sa Poong Maykapal sa Masaganang Ani, Karangalan at Tagumpay ng Bawat Anak ng Mauban" ay pagpapahayag ng pasasalamat sa mga biyayang patuloy na ipinagkakaloob sa naturang bayan sa pamamagitan ng kanilang patron na si St. Buenaventura na ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing ika-15 ng Hulyo.

 

Kabilang sa mga nakalinyang mga aktibidad ay Bihisan ng Saya ang Barangay, Kalakalan 2014, Maningning na Gabi, Paligsahan ng Paglala, Eksibisyong mga banda at lira, Jobs Fair, Kulturang Bayan, Sayaw sa Kalye, Palarong Bayan tulad ng karera ng mga Bangka, karera sa paglangoy, tapasan ng niyog, agawa ng buko at iba.

 

Samantala, ipinagmalaki ni Mayor Llamas ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga bisitang nagtutungo sa Cagbalete Island mula sa 2,000 bisita noong 2011 ay umabot na sa mahigit 35,000 bisita ang nagtungo sa naturang isla ngayong taong ito.

 

Sa tulong aniya ng Maubanog Festival at ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Niyogyugan Festival ay nakikilala na ang bayan ng Muban sa buong Pilipinas.

 

Nagpahayag naman ng suporta si Governor Suarez sa planong itayong terminal hub sa bayan ng Mauban para mas mapaganda pa ang tourism services nito.

 

"Handang tumulong ang lalawigan ng Quezon para ma-develop ang Cagbalete into a legitimate world class tourist destination here in Quezon Province", dagdag pa ng gobernador. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK