Pamamahala ng Mauban District Hospital, Makakatuwang ang Lokal na Pamahalaan


 

2014-07-10

 

 

Makakatuwang na ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang lokal na pamahalaan ng Mauban sa pagpapatakbo at pamamahala ng Mauban District Hospital matapos na makapagbigay ng resolusyon at memorandum of agreement ang bayan ng Mauban.

 

Ito ang ipinagbigay-alam ni Quezon Governor David "Jay-Jay" C. Suarez sa mga mamamayan ng Mauban sa pagsisimula ng pagdiriwang ng Maubanog Festival noong July 9, 2014.

 

Ayon kay Governor Suarez, layunin ng pagkakaroon ng joint partnership sa Mauban District Hospital na mas mapaganda ang serbisyong ipinagkakaloob ng naturang district ospital.

 

"Malaking suliranin ng opisyal ng Mauban na tuwing may mga reklamo sa ospital, ang reklamo ay ipinararating sa mayor at problema naman ng mayor na wala siyang magagawa dahil wala sa ilalim ng pamamahala ng munisipyo ang naturang ospital", dagdag pa ng gobernador.

 

Pinasalamatan ni Governor Suarez si Mayor Fernando "Dingdong" Llamas dahil sa 16 na ospital na matatagpuan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon ay ang Mauban lamang ang nagpakita ng kagustuhan na magkaroon ng joint management scheme sa isang district hospital na nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK