Pamahalaang Bayan ng Mauban, Kumikilos Laban sa Cocolisap


 

2014-07-10

 

 

Pinapurihan ni Quezon Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang pamahalaang bayan ng Mauban sa pamumuno ni Mayor Fernando "Dingdong" Llamas sa pagkilos nito upang masolusyunan at makontrol ang problema sa cocolisap na sumisira sa industriya ng niyog sa lalawigan.

 

Ayon kay Governor Suarez, nagkaroon ng inisyatibo ang pamahalaang bayan ng Mauban at nanguna sa buong lalawigan ng Quezon sa paglaban sa cocolisap.

 

Ayon pa sa gobernador na nagsimula ang problema sa cocolisap noong 2010 at naramdaman sa buong lalawigan ng Quezon noong 2013 at ang Quezon lamang ang lalawigan sa buong Pilipinas na nakapagdeklara ng state of calamity at dahil sa aksyon na ginawa ng pamahalaang panlalawigan ay napabagal ang epekto ng cocolisap sa probinsya.

 

Sa bayan ng Mauban, 23 barangay, 1,022 magsasaka at 195,991 puno ng niyog ang apektado ng coconut scale insect o cocolisap.

 

Sa kasalukuyan sa naturang bayan, umabot na sa 26,434 puno ang nagamot, 3,530 puno ang pinutol, 1,570 puno ang na-prune at 4,304 puno ang sumailalim sa trunk injection simula noong July 2 hanggang July 7. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK