Computer Laboratory sa SLSU, Pinasinayaan


 

2014-07-08 15:34:30

 

 

Pormal na pinasinayaan ni Quezon Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang computer building laboratory sa ilalim ng Serbisyong Suarez Computer Literacy Program sa Southern Luzon State University (SLSU) - Laboratory Schools, Lucban, Quezon noong July 4, 2014.

 

Ayon kay Governor Suarez, layunin ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapagawa ng mga computer laboratory sa iba't ibang pampublikong paaralan ay para mapataas ang kalidad ng edukasyon ng mga nasa sekondarya.

 

"Ang next round ng mga computer laboratories ay magiging English Speech Laboratory na rin, we will be going back to SLSU providing additional software, additional equipment para magamit ito bilang speech laboratory para maging globally competitive ang mga bata", dagdag pa ng gobernador.

 

Idinagdag pa ng gobernador na isa lamang ito sa marami pang pag-uusapang plano sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at SLSU para maging katuwang sa pagpapa-unlad ng lalawigan.

 

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Dra. Cecilia Gascon, SLSU President kay Governor Suarez sa patuloy na tulong at suportang ipinagkakaloob sa unibersidad hindi lamang sa aspeto ng edukasyon, gayundin sa aspeto ng kapaligiran at pisikal na kalagayan ng paaralan.

 

Ayon pa kay Gascon na katuwang ang SLSU ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapa-unlad ng Quezon para manguna sa buong CALABARZON sa pamamagitan ng pagkakaron ng mga competitive na mga estudyante sa buong rehiyon.


Bukod sa mga mag-aaral, ang naturang computer laboratory ay pinakikinabangan din ng mga out-of-school youth ng adopted barangay ng paaralan, ang Brgy. Nagsinamo sa pamamagitan ng kanilang extension program na bigyan ng computer literacy program ang mga out-of-school youth sa barangay upang magkaroon ng mga trabaho. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)


 
 
BACK