National Disaster Consciousness Month, Nagsimula Na


 

2014-07-07 04:05:45

 

 

Pormal nang sinimulan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang paggunita sa National Consciousness Month ngayong buwan ng Hulyo na may temang "Kahandaan at Kaligtasan ng Pamayanan, Pundasyon ng Kaunlaran".

 

Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng motorcade na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO) na nilahukan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan at organisasyon upang bigyan ang publiko ng kaalaman sa paghahanda sa anumang uri ng kalamidad.

 

Ayon kay Dir. Vicente Tomazar ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council na naging panauhin sa isinagawang flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan na ipinapakita ng tema ng aktibidad na sa pagiging ligtas ng sarili, makakapagligtas ng miyembro ng pamilya, makakapagbigay ng tulong sa komunidad at kung matatamo ito ay magiging bahagi tayo sa pag-unlad hindi lamang ng pamilya, barangay kung hindi sa buong lalawigan ng Quezon at buong bansa.

 

Ayon pa kay Tomazar na napakahalaga ng tungkuling ginagampanan ng national at local disaster risk reduction and management council. Gayundin, may tungkulin ang mga kawani ng pamahalaan na magbigay ng proteksiyon at magbigay ng iba't ibang serbisyo sa mamamayan.

 

"Bilang mamamayan sa ating barangay, sa ating pamilya ay may tungkulin tayong dapat gampanan. Tungkulin natin na alamin kung ano ang panganib na nasa paligid natin, kumuha ng iba't ibang impormasyon para maging ligtas at alam kung ano ang mga dapat gawin", dagdag pa ni Tomazar.

 

Ayon naman kay Dr. Henry Buzar, PDRRM Officer na sa hangarin ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez na mapalakas ang mga disaster risk reduction and management council sa mga barangay ay nagsasagawa ang kanyang tanggapan ng mga pagsasanay sa mga ito.

 

Nagsasagawa din ng pagtuturo sa bawat tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ang PDRRMO ng kung ano ang mga dapat gawin kung magkaroon ng lindol dahil ang lalawigan ng Quezon ay matatagpuan sa tatlong fault line, ang West Valley Fault line, Infanta Fault line at Philippine Central Fault line.

 

Ayon naman kay Provincial Administrator Rommel Edano, Jr., napakalaking aral sa lalawigan ng Quezon ang nangyari sa Leyte at hindi na uubra ang mga tradisyunal na paghahandang ginagawa at kailangan nang balikan ang mga polisiya at mga plano kung paano matutugunan ang mga malalakas na bagyo.

 

Kasalukuyang bumabalangkas ng pangkalahatang plano mula sa disaster prevention and mitigation na pinangungunahan ng Provincial Government-Environment and Natural Resources (PG-ENRO) sa pakikipagtulungan sa DENR para makapagtanim ng maraming puno at bakawan. Sa bahagi naman ng disaster preparedness, bumili na ang pamahalaang panlalawigan ng napakaraming kagamitan at heavy equipment.

 

Naniniwala si Governor Suarez na hindi lamang solong pasanin ng pamahalaan ang usapin ng pagiging handa sa kalamidad bagkus ito ay kailangan ng direktang pagkilos sa hanay mula sa komunidad hanggang sa tahanan ng bawat pamilya.

 

Samantala, naging bahagi din ng palatuntunan ang pagpapatunog sa loob ng 30 segundo ng sirena o mga busina, 30 segundong tahimik na pagdarasal para sa mga kaluluwa ng mga nasawi dahil sa kalamidad at ang pagpapalipad ng mga lobo na sumasagisag sa prevention and mitigation, preparedness, response at rehabilitation.


Ipinakita din ng mga miyembro ng Quezon Emergency Response Team ang tamang paraan ng pagresponde at pagtulong sa biktima ng aksidente sa motorsiklo hanggang sa pagdadala sa ospital. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK