Pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon, Sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2014-06-30 17:39:56

 

 

Pormal ng sinimulan ng pamahalaang panlalawigan ang ika-40 taong pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon para sa buong buwan ng Hulyo ngayong taon sa pamamagitan ng kick-off ceremony at pangunguna ng Provincial Nutrition Multi-Sectoral Council (PNMC) sa isinagawang flag raising ceremony ng kapitolyo noong June 30, 2014.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Acting Provincial Nutrition Action Officer na ipinagdiriwang ang Buwan ng Nutrisyon ay base sa Presidential Proclamation No. 491 o Nutrition Act of the Philippines na ngayong taon ay may temang "Kalamidad ay Paghandaan: Gutom at Malnutrisyon Agapan".

 

"Sa punto ng ating pagdiriwang at temang ito nais natin magbigay ng mga impormasyon sa ating mga kababayan kung ano ang kahalagahan ng paghahanda kung saan ang ating pagtugon, mga dapat gawin ay maisaayos upang gayun ang mga programa ng pamahalaang panlalawigan ay higit na magkaroon ng sigla at buhay para sa kapakinabangan ng mga mamamayan", paliwanag ni Gajo.

 

Sa pamamagitan aniya ng binuong Provincial Nutrition Multi-Sectoral Council (PNMC) ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez sa bisa ng Executive Order No. 4 series of 2014 na layuning mapababa ang malnutrisyon sa lalawigan ng Quezon ng limang porsyento (5%) hanggang matapos ang 2016 at higit pa itong mapababa hanggang 2019 at maging malusog ang mga mamamayan sa buong lalawigan na isa sa tinututukan ng gobernador katuwang ang Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez.

 

Ayon naman kay Governor Suarez, upang mas lalo pang matugunan ang malnutrisyon ay pinapunta niya sa bayan ng Jordan, Guimaras ang nutrition team ng Quezon para magsagawa ng mga pag-aaral sa ipinatutupad na nutrition campaign na tuloy-tuloy na nakakapagpapababa ng malnutrisyon sa nasabing bayan.

 

Sa lalawigan ng Quezon, labing-isang bayan ang napatalang may mataas na kaso ng malnutrisyon kabilang ang bayan ng Jomalig, Macalelon, Polilio, Catanauan, Calauag, Burdeos, San Narciso, Tagkawayan, Guinayangan, Tiaong at Quezon, Quezon.

 

Ayon kay Governor Suarez na ngayong taong ito ay sisimulan ang nutrition campaign sa apat na bayan (isang bayan bawat distrito) kung saan bababa hanggang tahanan ang Provincial Nutrition Campaign.

 

"It's not just a campaign of informing the people kung ano ang dapat kainin, kung ano ang dapat iwasan ngunit kasama din dito ang feeding program for all malnourish children for 120 days consecutive, non-stop kung saan ang mga bata ay pakakainin ng nutri-ban", dagdag pa ni Gov. Suarez.

 

Ipinagmalaki din ng gobernador ang tagumpay ng programang nutri-juice katuwang ang Coca-Cola na ipinainom sa mga malnourish na Grade 1 student sa loob ng 120 na araw ng tuloy-tuloy na nagresulta sa pagbaba ng kaso ng malnutrisyon sa mga batang Grade 1 ng 65%.

 

Kumpiyansa din ang gobernador na makakamit ng nutrition council ang layunin nitong mapababa ang malnutrisyon sa buong lalawigan ng Quezon ng limang porsyento. (Reygan Mantilla - Quezon PIO)

 
 
BACK