Pangangalaga sa Kapaligiran, Tinutukan


 

2014-06-30 17:38:22

 

 

Sa layuning maipalaganap sa komunidad ang wastong kaalaman para sa pangangalaga ng kapaligiran ay sumailalim sa apat na araw na facilitator's training ang mga Pantawid Municipal Links - Quezon Cluster noong June 24 - 27, 2014 sa Nawawalang Paraiso Resort and Hotel, Tayabas City.

 

Ang naturang pagsasanay ay magkakatuwang na pinangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Water Sanitation Program ng World Bank at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IV-A.

 

Layunin din nito na mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga ito para maibahagi naman sa mga pamilya sa kani-kanilang nasasakupang munisipalidad ang naturang mga kaalaman, kasanayan at instrument na kinakailangan upang mapaunlad ang kanilang sanitasyon at mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

 

Ayon kay Engr. Vener Argulla, Provincial Sanitary Engineer ng IPHO, makakatulong sa Provincial Health Office ang Pantawid Municipal Links dahil sa pamamagitan ng Family Development Session (FDS) na ibinibigay sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay mati-trigger ang mga ito sa pamamagitan ng Community-Led Total Sanitation (CLTS) program na mahikayat na magkaroon sila ng sariling palikuran at maiwasan ang pagkalat ng sakit at maprotektahan ang mga patubig.

 

Ayon pa kay Argulla na sa pamamagitan din ng executive order na inilabas ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez upang mabuo ang multi-sectoral task force ay patuloy ang ginagawang pagpupulong at pagpa-finalize ng policy development upang magkaroon ng katuparan ang layunin na bawat barangay sa pagsapit ng 2015 ay magkaroon ng 60% zero open-defecation o pagdumi kung saan-saan.

 

Ayon naman kay Leo de Castro, Project Coordinator ng Water Sanitation Program, ang naturang programa ay tungkol sa scaling up rural sanitation sa Pilipinas at isa ang lalawigan ng Quezon sa sinusuportahan ng programa kung saan tatlong bayan dito ang naging pilot area, ang Buenavista, Gumaca at Quezon, Quezon.

 

Ipinaliwanag naman ni Lorna Garces, Focal Person for FDS Programang Pantawid DSWD IV-A na nakiisa sila sa naturang programa sa pamamagitan ng pagsama sa FDS ng sanitation module na ibibigay sa mga benepisaryo ng 4Ps.

 

"Sa pag-conduct namin ng social welfare indicators tools nakita namin na malaki talaga ang gap sa nutrition na kakabit ng problema sa sanitation kaya naman ng lumapit ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ni Dr. Tullas ay naging open kami na i-adopt ito", dagdag pa ni Garces.

 

Kabilang din sa matututunan ng mga pamilya ang wastong pangangalaga at paggamit ng tubig, wastong gawi sa sanitasyon at wastong paraan ng pagtatapon ng basura. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK