300 Narra, Itinanim sa Pagdiriwang ng Arbor Day


 

2014-06-26 16:35:26

 

 

Kaugnay ng pagdiriwang ng Arbor Day kahapon June 25, 2014, pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Government - Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) katuwang ang pamahalaang lokal ng Macalelon ang pagtatanim ng mahigit 300 narra sa dalawang barangay nito ang Brgy. Luctob at Buyao.

 

Ayon kay Manny Calayag ng PG-ENRO, napili ng kanilang tanggapan na isagawa ang pagtatanim sa bayan ng Macalelon dahil isa sa barangay nito ang nakapasok sa top 11 mula sa 196 barangay sa buong Quezon na tinanim ng bakawan noong Quezon's 2in1.

 

Dahil sa naging mataas ang survival rate, may pinakamagandang tubo at magandang maintenance program para sa mga itinanim na bakawan ay magiging maganda at maayos din ang paglaki ng mga itinanim na punong narra.

 

Hiniling din ni Calayag ang tulong at suporta ng lahat upang maging matagumpay ang naturang aktibidad at kung hindi man maiwasan na may mamatay sa mga itinanim na puno ay kaagad isagawa ang re-planting activity.

 

Nagpahayag naman ng pakikiisa at suporta sa naturang proyekto si Vice-Mayor Artemio Mamburao at hinikayat ang pakikiisa ng mga naninirahan sa naturang mga barangay para mapanatiling malinis at mapangalagaan ang mga itinanim na puno.

 

Ang pagtatanim ng mga puno ay isa lamang sa mga proyekto ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Kalikasan upang mapanatili at mapangalagaan ang kapaligiran at kalikasan, gayundin, upang maiwasan ang masamang epekto ng climate change.

 

Kabilang sa nakiisa sa naturang aktibidad ang mga guro at mag-aaral ng Macalelon High School at Mary Immaculate Parochial School, 85IB Bravo Company ng Philippine Army, Macalelon Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection, Kabalikat Civicom at ilang opisyal ng barangay ng Macalelon.

 

Ang Arbor Day sa Pilipinas ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno at iba't ibang uri ng ornamental plants o iba pang kaugnay na gawain alinsunod sa itinatadhana ng Proclamation No. 643 na nag-amiyenda sa Proclamation No. 396 na ipagdiriwang na tuwing June 25 ng bawat taon ang Arbor Day sa Pilipinas. (Reygan Mantilla - Quezon PIO)

 
 
BACK